Leviticus 5 ASND

1 Kung ang isang taoʼy ipinatawag sa hukuman para sumaksi sa pangyayaring kanyang nakita o nalalaman, at siyaʼy tumanggi, may pananagutan siya.

2 Kung may nakahipo ng anumang bagay na itinuturing na marumi, katulad ng mga patay na hayop na marumi, siyaʼy nagkasala at naging marumi kahit hindi niya alam na nakahipo siya.

3 Kung siyaʼy nakahipo ng mga maruming bagay ng tao, kahit hindi niya alam na siyaʼy naging marumi, ituturing pa ring nagkasala siya kapag nalaman niya.

4 Kung ang isang tao ay nanumpa nang pabigla-bigla, mabuti man o masama ang isinumpa niya, siyaʼy nagkasala kapag nalaman niya ang kanyang ginawa.

5 Kapag nalaman ng isang tao na nagkasala siya ng alinman sa mga nabanggit, kinakailangang ipahayag niya ang kanyang kasalanan.

6 At bilang kabayaran sa kasalanang nagawa niya, maghahandog siya sa Panginoon ng babaeng tupa o kambing bilang handog sa paglilinis. Ihahandog ito ng pari para matubos siya sa kanyang kasalanan.

7 Pero kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, maghahandog siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. Ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isaʼy bilang handog na sinusunog.

8 Dadalhin niya ito sa pari at ang unang ihahandog ng pari ay ang handog sa paglilinis. Pipilipitin ng pari ang leeg ng ibon pero hindi ito puputulin.

9 At ang dugo nitoʼy iwiwisik niya sa paligid ng altar, at ang natitirang dugo ay ibubuhos sa ilalim ng altar. Ito ang handog sa paglilinis.

10 Ihahandog din ng pari ang isa pang handog na sinusunog ayon sa paraan ng paghahandog nito. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para matubos ang tao sa kanyang kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

11 Pero kung hindi niya kayang maghandog ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato, maghahandog na lang siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina. Huwag niyang lalagyan ng langis at insenso dahil itoʼy handog sa paglilinis at hindi handog ng pagpaparangal.

12 Dadalhin niya ito sa pari at babawasan ng pari ng isang dakot bilang pag-alaala sa Panginoon. Ang isang dakot na iyon ay susunugin niya sa altar pati ang iba pang mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Ito ang handog sa paglilinis.

13 Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matubos ang tao sa anumang kasalanang nagawa niya at patatawarin siya ng Panginoon. Ang natirang handog na harina ay sa pari na, gaya ng ginagawa sa handog ng pagpaparangal.

Ang Handog na Pambayad ng Kasalanan

14 Ibinigay din ng Panginoon ang utos na ito kay Moises:

15 Kapag ang taoʼy lumabag sa utos ng Panginoon dahil sa hindi niya ibinigay ang anumang nauukol para sa Panginoon, kahit hindi niya sinasadya, kailangang maghandog siya ng lalaking tupa na walang kapintasan bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Itoʼy handog na pambayad ng kasalanan.

16 Kinakailangan niyang bayaran ang hindi niya naibigay na nauukol sa Panginoon, at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halagang hindi niya naibigay. Ibibigay niyang lahat ito sa paring maghahandog ng tupa bilang handog na pambayad ng kanyang kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.

17 Kung may tao namang lumabag sa utos ng Panginoon nang hindi niya alam, siyaʼy nagkasala pa rin at may pananagutan sa Panginoon.

18-19 Kung alam na niyang nagkasala siya, kinakailangang magdala siya sa pari ng lalaking tupa na walang kapintasan na ihahandog niya bilang pambayad sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang kasalanang hindi sinasadya at patatawarin siya ng Panginoon.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27