1 Inutusan ng Panginoon si Moises
2 na sabihin sa mga Israelita ang mga tuntuning ito tungkol sa mga espesyal na araw na magtitipon sila para sumamba sa Panginoon.
3 May anim na araw kayo para magtrabaho, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil ito ang Araw ng Pamamahinga. Huwag kayong magtrabaho sa araw na ito, sa halip ay magtipon kayo para sumamba dahil ito ang araw para purihin ang Panginoon.
4 Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay mga natatanging upang magtipon ang mga Israelita para sumamba sa Panginoon.
5 Ang Pista ng Paglampas ng Anghel ay ginaganap sa gabi nang ika-14 na araw ng unang buwan.
6 At sa ika-15 araw ng buwan ding iyon, magsisimula naman ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pitong araw ang pistang ito at sa mga araw na iyon, ang tinapay na kakainin ninyo ay dapat walang pampaalsa.
7 Sa unang araw ng pistang ito, huwag kayong magtatrabaho, sa halip ay magtipon kayo at sumamba sa Panginoon.
8 Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo sa Panginoon ng handog sa pamamagitan ng apoy. At sa ikapitong araw, huwag kayong magtatrabaho sa halip ay magtipon nga kayo at sumamba sa Panginoon.
9-11 Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon, ihandog ninyo sa kanya ang unang bigkis ng bawat ani. Dalhin ninyo ito sa pari sa susunod na araw pagkatapos ng Araw ng Pamamahinga. Itataas ito ng pari sa Panginoon para tanggapin kayo ng Panginoon sa pamamagitan nito.
12 Sa araw ding iyon, maghahandog din kayo sa Panginoon ng tupa na isang taong gulang na walang kapintasan bilang handog na sinusunog.
13 Kasama nito, maghandog din kayo ng apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon, at isang litrong katas ng ubas bilang handog na inumin. Mga handog ito sa pamamagitan ng apoy, at ang mabangong samyo nitoʼy makalulugod sa Panginoon.
14 Kung hindi pa kayo nakapaghahandog nito, huwag kayong kakain ng kahit anong klase ng pagkain mula sa inyong bagong ani, ito may sariwa o binusa o nilutong tinapay. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.
15-17 Pagkatapos ng pitong linggo mula sa araw na kayoʼy naghandog ng mga ibinigkis na ani, muli kayong magtipon at mag-alay ng handog ng pagpaparangal mula sa mga ibinigkis ng unang ani ninyo. Itoʼy sa ika-50 araw, ang araw pagkatapos ng ikapitong Araw ng Pamamahinga. Ang inyong ihahandog ay dalawang tinapay na bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina na may pampaalsa. Ihandog ninyo ito bilang handog na itinataas, mula sa inyong unang ani.
18 Kasama nito, magdala rin kayo ng pitong lalaking tupa na isang taong gulang na walang kapansanan, isang batang toro, at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Ihahandog ninyo ang mga ito bilang handog na sinusunog kasama ng handog ng pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. Mga handog ito para sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.
19 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. At dalawang tupa na tig-isang taong gulang bilang handog para sa mabuting relasyon.
20 Itataas ng pari sa presensya ng Panginoon ang dalawang tupa at ang handog na mula sa unang ani. Itoʼy banal na mga handog sa Panginoon dahil itoʼy bahagi ng mga pari.
21 Huwag kayong magtatrabaho sa araw ding iyon, kundi magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.
22 Kung aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong mga bukid, at huwag na ninyong balikan para ipunin ang mga naiwan. Ipaubaya na lang ninyo iyon sa mga dukha at sa mga dayuhan. Ito ang utos ng Panginoon na inyong Dios.
23-24 Sa unang araw ng ikapitong buwan, magpahinga kayo para alalahanin ang Panginoon. Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipon kayo para sumamba sa kanya.
25 Huwag kayong magtrabaho sa araw na iyon, sa halip mag-alay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.
26-28 Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ding iyon ay Araw ng Pagtubos. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon kundi magtipon kayo sa pagsamba sa Panginoon na may pag-aayuno at pag-aalay ng handog sa pamamagitan ng apoy. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa inyong mga kasalanan sa Panginoon na inyong Dios.
29 Ang ayaw mag-ayuno sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
30 Papatayin ng Panginoon ang sinumang magtatrabaho sa araw na iyon.
31-32 Kaya magpahinga kayo at mag-ayuno mula sa paglubog ng araw nang ikasiyam na araw ng buwang iyon hanggang sa susunod na paglubog ng araw. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.
33-34 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga Israelita: Sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol at itoʼy ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw.
35 Sa unang araw, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo at sumamba sa Panginoon.
36 Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Sa ikawalong araw, hindi rin kayo magtatrabaho kundi muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon, at maghandog sa kanya. Iyan ang panghuling araw ng inyong pagtitipon.
37 Iyon ang itinakdang espesyal na mga araw na magtitipon kayo para sumamba sa Panginoon at para mag-alay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Dapat magdala kayo ng mga handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa Panginoon, at mga handog na inumin. Ang mga handog na ito ay kinakailangang ihandog ninyo sa itinakdang araw ng paghahandog nito.
38 Ipagdiwang ninyo ang itinakdang mga araw na ito bukod pa sa lingguhang Araw ng Pamamahinga na ginagawa ninyo. At ang mga handog na ito ay dapat ninyong ialay dagdag sa inyong mga kaloob, mga handog para tuparin ang isang panata, at handog na kusang-loob na iniaalay ninyo sa Panginoon.
39 Tungkol naman sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, ipagdiriwang ninyo ito para parangalan ang Panginoon mula sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, pagkatapos ng anihan. Ipagdiwang nʼyo ito sa loob ng pitong araw. Huwag kayong magtatrabaho sa una at sa ikawalong araw.
40 Sa unang araw, kumuha kayo ng pinakamagandang bunga ng mga punongkahoy, mga dahon ng palma, mga mayayabong na sanga ng puno sa lambak, at kayoʼy masayang magdiwang sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa loob ng pitong araw.
41-43 Ipagdiwang ninyo ang pistang ito sa ikapitong buwan bawat taon para parangalan ang Panginoon. Sa loob ng pitong araw, lahat kayong mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol para malaman ng inyong mga anak na pinatira ng Panginoon na inyong Dios ang inyong mga ninuno sa mga kubol nang sila ay inilabas sa Egipto. Dapat ninyong sundin ang mga tuntuning ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon.
44 Ito ang tungkol sa mga itinakdang pagdiriwang sa pagsamba sa Panginoon na sinabi ni Moises sa mga Israelita.