1 Kapag may nag-aalay ng handog ng pagpaparangal sa Panginoon, gagamitin niya ang magandang klaseng harina, at lalagyan niya ng langis at insenso.
2 Dadalhin niya ito sa mga paring mula sa angkan ni Aaron. Kukuha ang pari ng isang dakot na pinagsama-samang harina at langis, at susunugin niya ito sa altar kasama na ang insenso na inilagay sa harina. Susunugin niya ito na pinakaalaala sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.
3 Ang natirang harina ay para kay Aaron at sa kanyang angkan, at ito ang pinakabanal na bahagi na mula sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.
4 Kapag may naghahandog ng tinapay na niluto sa hurno para parangalan ang Panginoon, kailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at hindi nilagyan ng pampaalsa. Maaaring maghandog ng makapal na tinapay na hinaluan ng langis o ang manipis na tinapay na pinahiran ng langis.
5 Kung ang tinapay na ihahandog ay niluto sa kawali, kinakailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at may halong langis, pero walang pampaalsa.
6 Pipira-pirasuhin ito at lalagyan ng langis. Itoʼy handog ng pagpaparangal.
7 Kung ang tinapay na ihahandog ay niluto sa kawali, kinakailangang gawa ito sa magandang klaseng harina at nilagyan ng langis.
8 Ang ganitong uri ng mga handog ay dadalhin sa pari para ihandog sa Panginoon doon sa altar.
9 Babawasan ito ng pari at ang ibinawas na iyon ay susunugin niya sa altar na pinakaalaala sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.
10 Ang natirang harina ay para kay Aaron at sa kanyang angkan, at ito ang pinakabanal na bahagi na mula sa handog sa pamamagitan ng apoy na inihandog para sa Panginoon.
11 Huwag kayong mag-alay ng mga handog na may pampaalsa bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon, dahil hindi kayo dapat magsunog ng mga pampaalsa o pulot sa inyong paghahandog sa Panginoon ng handog sa pamamagitan ng apoy.
12 Maaari ninyong ihandog ang pampaalsa o pulot bilang handog mula sa una ninyong ani, pero huwag ninyong susunugin sa altar.
13 Lagyan ninyo ng asin ang lahat ng inyong handog ng pagpaparangal, dahil ang asin ay tanda ng inyong walang hanggang kasunduan sa Panginoon. Kaya lagyan ninyo ng asin ang lahat ng inyong handog.
14 Kapag maghahandog kayo mula sa una ninyong ani para parangalan ang Panginoon, maghandog kayo ng mga giniling na butil na binusa.
15 Lagyan ninyo ito ng langis at insenso. Itoʼy handog ng pagpaparangal.
16 At mula sa handog na itoʼy kukuha ang pari ng giniling na butil na nilagyan ng langis at insenso at susunugin na pinakaalaala sa Panginoon. Itoʼy handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.