1-2 Tinawag ng Panginoon si Moises at kinausap doon sa Toldang Tipanan. Inutusan niya si Moises na sabihin sa mga taga-Israel:Kapag may naghahandog sa inyo ng hayop sa Panginoon, maghandog siya ng baka, tupa, o kambing.
3 Kung baka ang kanyang iaalay bilang handog na sinusunog, kinakailangan ay lalaking baka at walang kapintasan. Ihahandog niya ito malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan, para sa pamamagitan ng handog na ito ay tanggapin siya ng Panginoon.
4 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng bakang inihahandog niya, at itoʼy tatanggapin ng Panginoon para matubos siya sa kanyang mga kasalanan.
5 Pagkatapos, kakatayin niya ang bakang iyon sa presensya ng Panginoon. At ang dugo nitoʼy iwiwisik sa paligid ng altar, sa bandang pintuan ng Toldang Tipanan ng mga pari na mula sa angkan ni Aaron.