1 Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kapwa kumuha ng lalagyan ng insenso. Nilagyan nila ito ng mga baga at insenso at inihandog sa Panginoon. Pero ang ginawa nilang itoʼy hindi ayon sa utos ng Panginoon, dahil iba ang apoy na kanilang ginamit para rito.
2 Kaya nagpadala ng apoy ang Panginoon at sinunog sila hanggang sa silaʼy mamatay sa presensya ng Panginoon doon sa Toldang Tipanan.
3 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Iyan ang ibig sabihin ng Panginoon nang sabihin niya,‘Dapat malaman ng mga pari na akoʼy banal,at dapat akong parangalan ng lahat ng tao.’ ”Hindi umimik si Aaron.
4 Ipinatawag ni Moises si Mishael at si Elzafan na mga anak ni Uziel na tiyuhin ni Aaron at sinabi niya sa kanila, “Kunin ninyo ang mga bangkay ng inyong mga pinsan sa Tolda at dalhin ninyo sa labas ng kampo.”
5 Kaya kinuha nila ang mga bangkay, sa pamamagitan ng paghawak sa mga damit nito at dinala sa labas ng kampo ayon sa utos ni Moises.
6 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang sina Eleazar at Itamar, “Huwag ninyong guguluhin ang inyong buhok o pupunitin man ang inyong damit para ipakita ang inyong pagluluksa sa namatay. Kapag ginawa ninyo iyon, pati kayo ay mamamatay at magagalit ang Panginoon sa lahat ng taga-Israel. Pero maaaring magluksa ang mga Israelitang kamag-anak ninyo para sa kanilang dalawa na sinunog ng Panginoon.