12 Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak niyang natitira na sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang natirang handog na pagpaparangal mula sa mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Lutuin ninyo iyon nang walang pampaalsa at kainin ninyo malapit sa altar dahil napakabanal niyon.
13 Iyon ang inyong bahagi mula sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Ito ang iniutos sa akin ng Panginoon.
14 Pero ang pitso at hita ng hayop na itinaas at inihandog sa Panginoon ay para sa iyo at sa iyong buong sambahayan. Kainin ninyo iyon sa lugar na itinuturing nating malinis. Itoʼy ibinibigay sa inyo bilang bahagi ninyo mula sa handog ng mga taga-Israel na handog para sa mabuting relasyon.
15 Kapag naghandog ang mga taga-Israel, ihandog nila ang pitso, at hita ng hayop pati na ang mga taba bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Ang pitso at hita ay itataas nila sa Panginoon bilang handog na itinataas. Pagkatapos, ibibigay nila ito sa inyo dahil ito ang inyong bahagi sa handog. Itoʼy para sa inyo, at sa inyong mga angkan magpakailanman ayon sa iniutos ng Panginoon.”
16 Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na handog sa paglilinis, napag-alaman niyang nasunog na itong lahat. Kaya nagalit siya kina Eleazar at Itamar at sinabihan,
17 “Bakit hindi ninyo kinain ang handog sa paglilinis sa banal na lugar? Ang handog na iyon ay napakabanal, at iyon ay ibinigay ng Panginoon sa inyo para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan sa presensya ng Panginoon.
18 Sapagkat ang dugo nito ay hindi dinala sa loob ng Banal na Lugar, kinain sana ninyo iyon doon sa Tolda, ayon sa sinabi ko sa inyo.”