5 Kung mag-aalay kayo ng handog para sa mabuting relasyon, ialay ninyo ito sa paraang katanggap-tanggap sa akin.
6 Kainin ninyo ito sa araw ding iyon o sa kinabukasan. Pero kung may matitira pa sa pangatlong araw, sunugin na ninyo ito.
7 Kapag sa ikatlong araw ay kinain pa ninyo ito, hindi ko na ito tatanggapin dahil itoʼy karumal-dumal na.
8 At ang sinumang kumain nito ay mananagot dahil binalewala niya ang banal na bagay na para sa akin, kaya ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
9 Kung mag-aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong bukirin, at huwag na ninyong balikan para pulutin ang mga natira.
10 Ganoon din sa inyong ubasan, huwag na ninyong babalikan para kunin ang mga natirang bunga o mga nalaglag. Iwanan ninyo iyon para sa mahihirap at mga dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
11 Huwag kayong magnanakaw, o magsisinungaling, o mandadaya ng inyong kapwa.