19-21 At ang gagawin niya sa toro na itoʼy katulad din ng ginawa niya sa torong handog sa paglilinis. Kukunin niya ang lahat ng taba ng toro at susunugin sa altar, at susunugin ang toro sa labas ng kampo. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng punong pari, ang mga taga-Israel ay matutubos sa kanilang mga kasalanan at patatawarin ng Panginoon ang mga kasalanan nila. Ito ang handog sa paglilinis para sa buong sambayanan ng Israel.
22 Kung ang isang pinuno ay nakalabag sa utos ng Panginoon na kanyang Dios nang hindi sinasadya, nagkasala pa rin siya.
23 At kapag nalaman niya na siya pala ay nagkasala, maghahandog siya ng isang lalaking kambing na walang kapintasan.
24 Ito ay handog para sa paglilinis ng kanyang kasalanan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing at papatayin ito sa presensya ng Panginoon sa dakong pinagpapatayan ng mga hayop na inihahandog bilang handog na sinusunog.
25 Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar.
26 Susunugin niya ang lahat ng taba sa altar katulad ng kanyang ginawa sa mga taba ng hayop na handog para sa mabuting relasyon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.
27 Kung ang isang pangkaraniwang tao ay makalabag sa alin mang utos ng Panginoon nang hindi sinasadya, nagkasala pa rin siya.