29 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing na handog sa paglilinis, at papatayin niya ito sa may Tolda, sa dakong pinagpapatayan ng mga hayop na handog na sinusunog.
30 Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar.
31 Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng kambing katulad ng ginawa niya sa hayop na handog para sa mabuting relasyon. At susunugin niya sa altar ang taba at magiging mabangong samyo na handog at makalulugod sa Panginoon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, ang taoʼy matutubos at patatawarin siya ng Panginoon.
32 Kung tupa naman ang ihahandog ng tao para maging malinis siya sa kanyang kasalanan, kinakailangang itoʼy babaeng tupa na walang kapintasan.
33 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng tupa at papatayin sa Tolda sa patayan ng mga hayop na handog na sinusunog.
34 Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng tupa at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar na pinagsusunugan ng handog na sinusunog. Ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar.
35 Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng tupa katulad ng ginawa niya sa tupang handog para sa mabuting relasyon. At susunugin niya ang taba sa altar pati na ang iba pang mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.