14 Ibinigay din ng Panginoon ang utos na ito kay Moises:
15 Kapag ang taoʼy lumabag sa utos ng Panginoon dahil sa hindi niya ibinigay ang anumang nauukol para sa Panginoon, kahit hindi niya sinasadya, kailangang maghandog siya ng lalaking tupa na walang kapintasan bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Itoʼy handog na pambayad ng kasalanan.
16 Kinakailangan niyang bayaran ang hindi niya naibigay na nauukol sa Panginoon, at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halagang hindi niya naibigay. Ibibigay niyang lahat ito sa paring maghahandog ng tupa bilang handog na pambayad ng kanyang kasalanan at patatawarin siya ng Panginoon.
17 Kung may tao namang lumabag sa utos ng Panginoon nang hindi niya alam, siyaʼy nagkasala pa rin at may pananagutan sa Panginoon.
18-19 Kung alam na niyang nagkasala siya, kinakailangang magdala siya sa pari ng lalaking tupa na walang kapintasan na ihahandog niya bilang pambayad sa kanyang kasalanan. Maaari rin niyang bayaran ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang kasalanang hindi sinasadya at patatawarin siya ng Panginoon.