1 Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog na pambayad ng kasalanan. Napakabanal ng handog na ito.
2 Ang handog na pambayad ng kasalanan ay doon papatayin sa pinagpapatayan ng mga handog na sinusunog. At ang dugo nitoʼy iwiwisik sa paligid ng altar.
3 Ang lahat ng taba nito ay ihahandog – ang matabang buntot, ang tabang bumabalot sa lamang-loob,
4 ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay.
5 Lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog sa Panginoon sa pamamagitan ng apoy. Itoʼy handog na pambayad ng kasalanan.
6 Ang matitira ay maaaring kainin ng mga anak na lalaki ng mga pari, pero dapat nila itong kainin doon sa banal na lugar dahil napakabanal nito.