28 Nag-utos din ang Panginoon kay Moises
29 na sabihin ito sa mga taga-Israel:Ang sinumang mag-aalay ng handog para sa mabuting relasyon ay dapat magbukod ng bahagi ng handog na iyon para sa Panginoon na ibibigay sa mga pari.
30 At ang bahaging iyon ng handog ay dadalhin mismo ng maghahandog sa altar upang ialay sa Panginoon bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Dadalhin niya ang taba at pitso ng hayop, at itataas niya ang pitso sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas.
31 Pagkatapos, susunugin ng paring namumuno ng seremonya ang taba sa altar, pero ang pitso ay para kay Aaron at sa kanyang angkan.
32-33 Ang kanang hita ng hayop na inihandog ay ibibigay sa paring naghahandog ng dugo at taba nito.
34 Sapagkat ibinibigay ng Panginoon ang pitso at paa ng inyong handog kay Aaron at sa kanyang mga angkan. Ito ang bahaging para sa kanila magpakailanman.
35 Iyon ang bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon na ibinigay kay Aaron at sa kanyang mga angkan mula sa araw na silaʼy itinalagang maglingkod sa Panginoon bilang mga pari.