10 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang langis at winisikan ang Tolda at ang lahat ng nasa loob bilang pagtatalaga ng lahat ng ito para sa Panginoon.
11 Winisikan din niya ng langis ang altar ng pitong beses at ang lahat ng kagamitan na naroon, pati ang planggana at ang patungan nito. Ginawa ito para ihandog sa Panginoon.
12 Pagkatapos, binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron bilang pagtatalaga sa kanya sa Panginoon.
13 At pinalapit niya sa gitna ang mga anak na lalaki ni Aaron at ipinasuot sa kanila ang kasuotan nila na pampari at nilagyan ng sinturon. Ipinasuot din sa kanila ang kanilang mga turban. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
14 Pagkatapos nitoʼy ipinakuha ni Moises ang baka na handog sa paglilinis. At ipinatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng baka.
15 Pagkatapos, pinatay ni Moises ang baka at kumuha siya ng dugo. Inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at pinahiran niya ang parang sungay sa mga sulok ng altar para luminis ito. At ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar. Sa ganitong paraan niya itinalaga ang altar para sa Panginoon upang maging karapat-dapat na lugar na pinaghahandugan ng mga pantubos sa kasalanan.
16 Kinuha rin ni Moises ang lahat ng taba ng lamang-loob ng baka, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at sinunog niya ang lahat ng ito roon sa altar.