5 Ngunit sinabi sa kanya ng mga Jebuseo na hindi siya makakapasok sa lunsod. Gayunman, pumasok din si David at nakuha nito ang kampo ng Zion, kaya't kilala ngayon ang lugar na iyon na Lunsod ni David.
6 Bago nila pinasok ito, sinabi ni David, “Ang unang makapatay ng isang Jebuseo ay gagawin kong pinuno.” Ang unang nangahas umakyat sa kampo ay si Joab na anak ni Zeruias, kaya siya ang ginawang pinakamataas na pinuno ng hukbo.
7 Doon tumira si David sa kampo, kaya tinawag ang lugar na iyon na Lunsod ni David.
8 Pinalawak niya ang lunsod sa palibot nito mula sa Millo, samantalang itinayong muli ni Joab ang ibang bahagi ng lunsod.
9 Lalong tumatag ang paghahari ni David, sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.
10 Ito naman ang mga pinuno ng mga magigiting na tauhan ni David na sa tulong ng buong Israel, ay nagpalakas at nagpatatag ng kanyang kaharian, sa pangako ni Yahweh.
11 Una sa lahat, ay si Jasobeam, isang Hacmonita. Siya ang pinuno ng pangkat na Tatlo. Kahit nag-iisa, nakapatay siya ng 300 kaaway sa pamamagitan lamang ng kanyang sibat.