1 Nang sumapit ang tagsibol, panahon na karaniwang ang mga hari'y nakikipagdigma, lumabas ang hukbo ng Israel na pinamumunuan ni Joab at sinalakay ang lupain ng mga Ammonita. Umabot sila sa Rabba. Kinubkob nila ito, at pagkatapos ay sinunog nila. Subalit si David ay nagpaiwan sa Jerusalem.
2 Kinuha ni David sa ulo ng diyus-diyosang si Molec ang koronang ginto nito na tumitimbang ng tatlumpu't limang kilo. Tinanggal niya mula rito ang nakapalamuting mamahaling bato at inilagay niya sa kanyang sariling korona. Marami siyang kinuha mula sa nasamsam sa lunsod.
3 Binihag niya ang mga mamamayan. Binigyan niya ang mga ito ng mga lagari at iba't ibang matatalim at matutulis na kasangkapang bakal, at sila'y sapilitang pinagtrabaho. Ganoon din ang ginawa niya sa lahat ng mamamayan ng iba pang lunsod ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik na sa Jerusalem.
4 Pagkatapos nito ay nakipaglaban naman sila sa mga Filisteo sa Gezer. Sa labanang ito, napatay ni Sibecai na Husatita si Sipai, na nagmula sa lahi ng mga higante, at natalo ang mga Filisteo.
5 Sa isa pang pakikidigma laban sa mga Filisteo, si Lahmi na kapatid ni Goliat na taga-Gat ay napatay ni Elhanan na anak ni Jair. Ang hawakan ng kanyang sibat ay sinlaki ng hawakan na ginagamit sa habihan ng tela.
6 Sa isa pang labanan na naganap naman sa Gat, may isa pang higante roon na may dalawampu't apat na daliri, tig-aanim sa paa't kamay.
7 Nang laitin nito ang Israel, pinatay ito ni Jonatan, ang pamangkin ni David sa kanyang kapatid na si Simea.
8 Ang mga higanteng ito'y buhat sa lahi ng mga higanteng taga-Gat, at napatay silang lahat ni David at ng mga tauhan niya.