1 Ito ang mga pangkat ng mga angkan ni Aaron: ang mga anak niya ay sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar.
2 Sina Nadab at Abihu ay naunang namatay kaysa kay Aaron at wala silang anak kaya sina Eleazar at Itamar lamang ang naging mga pari.
3 Sa tulong nina Zadok na anak ni Eleazar, at ni Ahimelec na anak ni Itamar, ang mga kabilang sa angkan ni Aaron ay hinati ni David sa mga pangkat at binigyan ng kani-kanilang tungkulin.
4 Marami ang pinuno ng mga sambahayan sa angkan ni Eleazar kaysa kay Itamar. Kaya sa dalawampu't apat na pangkat, labing-anim ang napili mula sa angkan ni Eleazar at walo naman ang kay Itamar.
5 Pinili sila ni David sa pamamagitan ng palabunutan sapagkat maging sa angkan ni Eleazar at ni Itamar ay may mga tagapangasiwa sa loob ng dakong banal at may mga tagapanguna sa pagsamba.
6 Si Semaias na anak ng Levitang si Netanel ang naglista ng mga pangalan, at ginawa niya ito sa harapan ng hari. Nasaksihan din ito ng mga prinsipe, ni Zadok na pari, ni Ahimelec na anak ni Abiatar, at ng mga pinuno ng angkan ng mga pari at Levita. Isang sambahayan ng mga pari ang inilista sa panig ni Eleazar at isa rin kay Itamar.
7-18 Ito ang pagkakasunud-sunod ng paglilingkod mula sa una hanggang sa ikadalawampu't apat na pangkat ayon sa palabunutan: Jehoiarib, Jedaias, Harim, Seorim, Malaquias, Mijamin, Hacos, Abias, Jeshua, Secanias, Eliasib, Jaquim, Jupa, Jesebeab, Bilga, Imer, Hezer, Afses, Petaya, Hazaquiel, Jaquin, Gamul, Delaias, Maasias.
19 Ito ang kaayusan at takdang panahon ng paglilingkod nila sa Templo ni Yahweh ayon sa itinatag ng kanilang ninunong si Aaron, gaya ng utos sa kanya ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
20 Ito ang iba pang mga pinuno ng mga angkan sa lipi ni Levi: si Subael sa angkan ni Amram at si Jehedias sa angkan ni Subael;
21 si Isias na isang pinuno sa angkan ni Rehabias;
22 si Zelomot sa angkan ng Isharita, at si Jahat sa angkan ni Zelomot;
23 sina Jerias, Amarias, Jahaziel, at Jecamiam sa angkan ni Hebron;
24 si Micas sa angkan ni Uziel; si Samir sa angkan ni Micas;
25 si Isias na kapatid ni Micas at si Zacarias sa angkan ni Isias;
26 sina Mahli at Musi sa angkan ni Merari; si Beno sa angkan ni Jaazias;
27 sina Beno, Soham, Zacur at Ibri, mga anak ni Jaazias sa angkan ni Merari.
28-29 Si Mahli ay may dalawang anak, sina Eleazar at Kish. Si Eleazar ay walang anak, ngunit si Kish ay mayroong isang anak, si Jerameel.
30 Sina Mahli, Eder at Jerimot ay mga anak ni Musi.Sila ang mga angkan ng mga Levita.
31 Ang mga ito, tulad ng mga kamag-anak nila mula sa angkan ni Aaron ay nagpalabunutan din maging sila'y pinuno ng sambahayan o hindi. Sinaksihan ito ni Haring David, nina Zadok at Ahimelec, at ng mga pinuno ng sambahayan ng mga pari at mga Levita.