1 Nang matandang matanda na si David, ginawa niyang hari ng Israel ang anak niyang si Solomon.
2 Tinipon ni David ang mga pinuno ng Israel, ang mga pari at ang mga Levita.
3 Ang mga nabilang na Levita mula sa gulang na tatlumpung taon pataas ay 38,000.
4 Ang mga inatasan sa pangangalaga at paglilingkod sa Templo ay 24,000. Ang ginawang mga opisyal at mga hukom ay 6,000,
5 at 4,000 ang kinuhang mga bantay sa pintuan. Ang magpupuri kay Yahweh sa saliw ng mga instrumentong ginawa ni David ay 4,000 rin.
6 Pinagtatlong pangkat ni David ang mga Levita ayon sa tatlong anak ni Levi na sina Gershon, Kohat at Merari.
7 Ang mga anak ni Gershon ay sina Ladan at Simei.
8 Tatlo ang anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, si Zetam at si Joel.
9 Tatlo rin ang anak ni Simei: sina Zelomit, Haziel at Haran. Sila ang mga pinuno ng mga angkan na nagbuhat kay Ladan.
10 Apat ang anak ni Simei na kapatid ni Ladan: sina Jahat, Zina, Jeus at Berias.
11 Si Jahat ang pinuno at si Zisa naman ang kanang kamay. Kakaunti ang mga anak na lalaki nina Jeus at Berias kaya't pinagsama na sila at ibinilang na iisang angkan.
12 Apat ang anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron at Uziel.
13 Mga anak ni Amram sina Aaron at Moises. Si Aaron at ang kanyang mga anak ay ibinukod upang mangalaga sa mga ganap na sagradong bagay habang panahon. Sila ang magsusunog ng mga handog sa harapan ni Yahweh, maglilingkod at magbabasbas sa pangalan ni Yahweh magpakailanman.
14 Ngunit ang mga anak ni Moises, ang lingkod ng Diyos, ay ibinilang na kasama ng mga Levita.
15 Ang mga anak ni Moises ay sina Gershon at Eliezer.
16 Sa mga anak ni Gershon, si Sebuel ang pinuno;
17 kay Eliezer naman ay si Rehabias na kaisa-isa niyang anak na lalaki. Si Rehabias naman ay maraming anak.
18 Sa mga anak ni Izar, na pangalawang anak ni Kohat, si Zelomit ang pinuno.
19 Ang apat na anak ni Hebron ay sina Jerias na pinuno, Amarias, Jahaziel at Jecamiam.
20 Sa mga anak naman ni Uziel, si Micas ang pinuno at si Isias ang pangalawa.
21 Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Musi. Mga anak ni Mahli sina Eleazar at Kis.
22 Namatay si Eleazar na walang anak na lalaki, kundi panay babae. Sila ay napangasawa ng kanilang mga pinsan na mula sa angkan ni Kish.
23 Tatlo naman ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder at Jeremot.
24 Ito ang bumubuo sa lipi ni Levi ayon sa angkan at sambahayan. Bawat isa, mula sa edad na dalawampu pataas ay katulong sa paglilingkod sa Templo ni Yahweh.
25 Sinabi ni David, “Binigyan na ni Yahweh, na Diyos ng Israel, ng kapayapaan ang kanyang bayan, at maninirahan na siya sa Jerusalem magpakailanman.
26 Dahil dito'y hindi na bubuhatin ng mga Levita ang tabernakulo at ang mga kagamitan sa paglilingkod dito.”
27 Iyan ang dahilan kaya ipinapalista ang mga Levita mula sa gulang na dalawampu pataas.
28 Sila'y tutulong na lamang sa mga paring mula sa angkan ni Aaron sa paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. Sila ang mangangalaga sa mga bulwagan, mga silid, mga sagradong kasangkapan, at iba pang mga gawain sa Templo ng Diyos.
29 Sila rin ang tutulong sa paghahanda ng tinapay na panghandog, ng harinang panghalo sa mga panghandog, ng manipis na tinapay na walang pampaalsa, mga nilutong handog, at ng harinang hinaluan ng langis. Tutulong din sila sa pagtakal at pagsukat ng mga handog.
30 Umaga't hapon, haharap sila kay Yahweh upang magpuri at magpasalamat,
31 at kung may handog na susunugin, sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang kapistahan ayon sa bilang at patakarang ipinag-uutos, sa harapan ni Yahweh, sa lahat ng panahon.
32 Ang mga Levita nga ang mangangalaga sa Toldang Tipanan at sa dakong banal, at tutulungan nila ang mga paring kamag-anak nila sa lahat ng paglilingkod sa Templo ni Yahweh.