1 Mga Cronica 26 MBB05

Ang mga Bantay sa Pinto ng Templo

1 Ito naman ang mga pangkat ng mga bantay sa pinto ng Templo: sa angkan ni Korah ay si Meselemias na anak ni Korah, buhat sa pamilya ni Asaf.

2 Ang pito niyang anak ay si Zacarias na siyang panganay, kasunod sina Jediael, Zebadias, Jatniel,

3 Elam, Jehohanan at Eliehoenai.

4 Pinagpala ng Diyos si Obed-edom. Binigyan siya ng walong anak na lalaki; si Semaias na panganay, kasunod sina Jehozabad, Joa, Sacar, Natanel,

5 Amiel, Isacar, at Peulletai.

6 Si Semaias ay may mga anak na naging pinuno ng kanilang sambahayan, sapagkat sila'y mahuhusay at bihasa. Ang pangkat ng mga ito'y binubuo

7 nina Otni, Refael, Obed, Elzabad, at ang dalawa pa niyang anak na matatapang din, sina Elihu at Semaquias.

8 Ang mga anak at apo ni Obed-edom na pawang may kakayahang maglingkod ay animnapu't dalawa.

9 Labing-walo naman ang mga kamag-anak na pinamumunuan ni Meselemias at pawang matatapang din.

10 Kabilang din ang pangkat ni Hosa, mula sa angkan ni Merari na binubuo ng kanyang mga anak. Si Simri, bagama't hindi panganay ay ginawang pinuno ng sambahayan ng kanyang ama.

11 Kasama rin ang iba pang mga anak niyang sina Hilkias, Tebalias at Zacarias. Labing-tatlo ang mga anak at kamag-anak ni Hosa.

12 Ang mga pangkat na ito ng mga bantay-pinto sa pangunguna ng pinuno ng kanilang sambahayan ay may kanya-kanyang pananagutan sa paglilingkod sa Templo ni Yahweh gaya ng kanilang mga kamag-anak.

13 Nagpalabunutan sila ayon sa kani-kanilang sambahayan, para malaman kung aling pinto ang kanilang babantayan.

14 Ang pinto sa silangan ay napunta kay Selemias, at ang gawing hilaga ay sa anak niyang si Zacarias, isang mahusay na tagapayo.

15 Kay Obed-edom napunta ang gawing timog, at sa kanyang mga anak naman ang mga bodega.

16 Ang pinto sa kanluran at ang pinto ng Sallequet sa daang paakyat ay napunta kina Supim at Hosa. May kanya-kanyang takdang oras ang kanilang pagbabantay.

17 Sa gawing silangan, anim ang bantay araw-araw. Sa hilaga at timog ay tig-aapat, at tig-dadalawa naman sa bodega.

18 Sa malaking gusali sa gawing kanluran, apat sa labas at dalawa sa loob.

19 Ito ang mga pangkat ng mga bantay sa pinto mula sa mga angkan ni Korah at ni Merari.

Ibang Tungkulin sa Templo

20 Ang mga Levita sa pangunguna ni Ahias ang namahala sa kabang-yaman ng Templo at sa bodega ng mga kaloob sa Diyos.

21 Si Ladan na isa sa mga anak ni Gershon ay ninuno ng maraming angkan, kasama na ang pamilya ng kanyang anak na si Jehiel.

22 Ang mga pinuno ng pangkat ni Jehiel ay ang kanyang mga anak na sina Zetam at Joel. Sila ang namahala sa mga kabang-yaman ng Templo.

23 Ang mga Amramita, Isharita, Hebronita, at Uzielita ay binigyan din ng tungkulin.

24 Si Sebuel na anak ni Gershon at apo ni Moises ang siyang pinunong namahala sa mga kabang-yaman.

25 Sa angkan ni Eliezer, ang namahala ay ang mga anak niyang sina Rehabias, Jesaias, Joram, Zicri at Selomit.

26 Si Selomit at ang kanyang mga kamag-anak ang namahala sa bodega ng mga kaloob na inialay ni Haring David, ng mga pinuno ng sambahayan, at ng mga pinuno ng hukbo.

27 Buhat sa mga nasamsam sa pakikidigma, naglalaan sila ng bahaging panustos sa pangangalaga sa Templo ni Yahweh.

28 At lahat ng kaloob na inialay ni propeta Samuel, ni Saul na anak ni Kish, ni Abner na anak ni Ner at ni Joab na anak ni Zeruias, ay inilagay sa pangangalaga ni Selomit at ng kanyang mga kamag-anak.

Ang mga Tungkulin ng Iba pang Levita

29 Mula naman sa angkan ni Ishar, si Kenanias at ang kanyang mga anak ang inilagay na mga tagapagtala at mga hukom.

30 Sa sambahayan ni Hebron, si Hashabias at ang kanyang mga kamag-anak na may bilang na 1,700 na pawang mahuhusay ang nangalaga sa bansang Israel, sa gawing kanluran ng Jordan. Sila ang namahala sa gawain ukol kay Yahweh, at ang naglingkod sa hari ay 1,700.

31 Ayon sa talaan ng angkan ni Hebron, si Jerijas ang kanilang pinuno. Noong ikaapatnapung taon ng paghahari ni David, sinaliksik ang kasaysayan ng angkan ni Hebron at natuklasan na sa Jazer ng Gilead ay may mga lalaking may pambihirang kakayahan.

32 Pumili si Haring David ng 2,700 mga pinuno ng sambahayan at pawang mahuhusay mula sa kamag-anak ni Jerijas upang mamahala sa lipi nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases. Sila ang pinamahala ni David sa lahat ng bagay na may kinalaman sa Diyos at sa hari.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29