1 Mga Cronica 12:20-39 MBB05

20 Nang bumalik na si David sa Ziklag, dumating nga sa kanya ang mga tauhan mula sa lipi ni Manases. Ito'y sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Eliu at Zilletai. Bawat isa sa kanila'y pinuno ng sanlibong kawal.

21 Malaki ang naitulong nila kay David at sa kanyang mga tauhan, sapagkat sanay silang mandirigma. Ang mga ito'y ginawa niyang mga opisyal sa kanyang hukbo.

22 Araw-araw, may dumarating kay David upang tumulong, kaya't nakabuo siya ng napakalaking hukbo.

23 Ito ang bilang ng mga kawal na nagpunta kay David sa Hebron upang ilipat sa kanya ang pagiging hari ni Saul ayon sa pangako ni Yahweh:

24-37 Juda: 6,800 na mahuhusay gumamit ng sibat at kalasag; Simeon: 7,100 na mga kilala sa tapang at lakas; Levi: 4,600; Aaron sa pamumuno ni Joiada: 3,700; Zadok kasama ang 22 pinuno ng kanilang angkan; Benjamin, lipi ni Saul: 3,000, karamihan sa kanila'y nanatiling tapat sa angkan ni Saul; Efraim: 20,800 matatapang at kilala sa kanilang sambayanan; Kalahating lipi ni Manases: 18,000 na pinapunta upang gawing hari si David; Isacar: 200 mga pinuno kasama ang mga angkang kanilang pinamumunuan. Ang mga ito'y marunong humula ng panahon at nagpapasya kung ano ang hakbang na gagawin ng bansang Israel; Zebulun: 50,000 kawal na bihasa sa labanan at sanay sa lahat ng uri ng sandata; Neftali: 1,000 pinuno at 37,000 kawal na armado ng kalasag at sibat; Dan: 28,600 kawal na sanay sa labanan; Asher: 40,000 kawal na handa na sa labanan; Mula naman sa lipi nina Ruben, Gad at kalahating lipi ni Manases na nasa ibayo ng Jordan: 120,000 armado at bihasa sa lahat ng uri ng sandata.

38 Ang lahat ng ito ay handang makipagdigma, at nagpunta sa Hebron na iisa ang layunin: gawing hari ng Israel si David.

39 Tatlong araw silang kumain at uminom na kasama ni David sapagkat sila'y ipinaghanda roon ng kanilang mga kababayan.