1 Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David para dito. Nag-alay sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos.
2 Matapos makapaghandog, binasbasan ni David ang mga tao sa pangalan ni Yahweh,
3 at binigyan niya ang bawat Israelita ng tinapay, karne at bibingkang may pasas.
4 Naglagay rin siya ng ilang Levita na maglilingkod sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh upang manalangin, magpasalamat at magpuri kay Yahweh na Diyos ng Israel.
5 Si Asaf ang pinuno at ang mga katulong niya ay sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matitias, Eliab, Benaias, Obed-edom, at Jeiel. Ang tinutugtog nila'y mga alpa at lira, at ang kay Asaf naman ay pompiyang.
6 Ang mga paring sina Benaias at Jahaziel ang tumutugtog ng mga trumpeta araw-araw sa harap ng Kaban ng Tipan ng Diyos.
7 Nang araw na iyon, iniatas ni David kay Asaf at sa mga kasama nito ang tungkol sa pag-awit ng pasasalamat kay Yahweh.