7 Sabihin mo kay David na aking lingkod na ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: ‘Inalis kita sa pagpapastol ng mga tupa upang pamunuan ang aking bayang Israel.
8 Sinamahan kita saan ka man pumaroon, at sa harapan mo'y pinuksa ko ang iyong mga kaaway. Ang pangalan mo'y mapapabilang sa mga dakilang tao sa daigdig.
9 Bibigyan ko ang Israel ng sariling lupain at hindi na sila pahihirapan ni gagambalain man ng masasamang tao,
10 gaya ng nangyari sa kanila nang unang maglagay ako ng mga hukom sa aking bayang Israel. Papasukuin kong lahat ang iyong mga kaaway at patatatagin ko ang iyong angkan.
11 Pagkamatay mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at patatatagin ko ang kanyang kaharian.
12 Siya ang magtatayo ng aking templo at magiging walang katapusan ang kanyang paghahari.
13 Ako'y kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Hindi magbabago ang aking pag-ibig sa kanya, di tulad ng ginawa ko sa sinundan mo.