9 “At ikaw naman, Solomon, anak ko, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran mo siya nang buong puso at pag-iisip, sapagkat sinisiyasat ni Yahweh ang ating damdamin at nauunawaan ang ating binabalak at iniisip. Kung lalapit ka sa kanya, tatanggapin ka niya. Ngunit kung tatalikuran mo siya, itatakwil ka niya magpakailanman.
10 Alalahanin mong ikaw ang pinili ni Yahweh upang magtayo ng kanyang banal na Templo. Magpakatatag ka at gawin mo ito nang may paninindigan.”
11 Ibinigay ni David kay Solomon ang mga plano ng mga gusali ng Templo, ng mga kabang-yaman, ng mga silid sa itaas, ng mga silid sa loob at ng silid para sa banal na trono ng awa.
12 Ibinigay din niya ang plano para sa mga bulwagan at mga silid sa palibot nito at ang kabang-yaman ng Templo ng Diyos at ang bodega para sa mga kaloob na ukol kay Yahweh.
13 Ibinigay din niya ang plano para sa organisasyon ng mga pari at Levita at ang paghahati-hati sa mga gawaing may kinalaman sa paglilingkod sa Templo, at sa mga kagamitan dito.
14 Itinakda niya ang timbang ng ginto o pilak na gagawing mga sisidlan,
15 mga ilawan at patungan ng mga ito.