1 Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Jeroboam, si Abias ay nagsimulang maghari sa Juda.
2 Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Micaias na anak ni Uriel na taga-Gibea.Nagkaroon ng digmaan sina Jeroboam at Abias.
3 Ang hukbo ni Abias ay binubuo ng 400,000 kawal, samantalang ang kay Jeroboam naman ay 800,000.
4 Humanay ang hukbo ni Abias sa may bulubundukin ng Efraim, sa taluktok ng Bundok Zemaraim. Mula roo'y sumigaw siya: “Makinig kayo, Jeroboam at buong bayang Israel!
5 Hindi ba ninyo alam na pinagtibay ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa isang kasunduang hindi maaaring sirain, na si David at ang kanyang mga anak ang maghahari sa Israel magpakailanman?
6 Ngunit si Jeroboam na anak ni Nebat at dating alipin ni Solomon na anak ni David ay naghimagsik laban sa kanyang haring si Solomon.
7 Mga walang-hiya at tampalasang tao ang sumama sa kanya. Hindi nila kinilala si Rehoboam na anak ni Solomon. Palibhasa'y bata pa noon at walang karanasan si Rehoboam, kaya't wala siyang nagawa.
8 “Ngayo'y ibig ninyong labanan ang kaharian ni Yahweh na ibinigay niya sa mga anak ni David, palibhasa'y marami kayo at mayroon kayong mga guyang ginto na ipinagawa ni Jeroboam para sambahin ninyo.
9 Hindi ba't pinalayas ninyo ang mga pari ni Yahweh, ang mga anak ni Aaron at ang mga Levita? At gumaya kayo sa ibang mga bansa sa pagpili ng mga pari? Ngayon, sinumang lumapit na may dalang handog na isang batang toro at pitong lalaking tupa ay pinapayagan na ninyong maging pari ng mga diyus-diyosan.
10 Ngunit para sa amin, si Yahweh pa rin ang aming Diyos at hindi namin siya itinakwil. Ang aming mga pari ay pawang mga anak ni Aaron at ang mga katulong nila sa paglilingkod kay Yahweh ay ang mga Levita.
11 Araw-gabi ay nag-aalay sila kay Yahweh ng mga handog na susunugin at insenso. Nag-aalay sila ng handog na tinapay sa harapan niya sa ibabaw ng inihandang mesang yari sa lantay na ginto. At gabi-gabi'y nagsisindi sila ng mga ilawang nasa gintong patungan. Sinusunod namin ang utos ni Yahweh, subalit itinakwil ninyo siya.
12 Kaya kasama namin siya sa labanang ito. Siya ang aming pinuno at kasama rin namin ang kanyang mga pari na dala ang kanilang mga trumpeta na handang hipan sa pakikipaglaban sa inyo. Bayang Israel, huwag ninyong kalabanin si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sapagkat hindi kayo magtatagumpay.”
13 Nagsugo si Jeroboam ng pangkat sa likuran ng kalaban upang lihim na sumalakay roon. Samantala, ang karamihan ng hukbo niya ay kaharap ng hukbo ng Juda.
14 Nang lumingon ang mga ito, nakita nilang may kalaban sila sa harapan at sa likuran. Humingi sila ng tulong kay Yahweh at hinipan ng mga pari ang kanilang mga trumpeta.
15 Sumigaw ang hukbo ng Juda at sa sandaling iyon, tinalo ng Diyos si Jeroboam at ang buong hukbo ng Israel sa harap ni Abias at ng Juda.
16 Tumakas ang hukbo ng Israel sa Juda at itinulot ng Diyos na masakop sila ng Juda.
17 Nagtagumpay sina Abias. May 500,000 mahuhusay na kawal ng Israel ang napatay.
18 Mula noon, ang Israel ay nasakop ng Juda. Ito'y dahil sa pagtitiwala ng Juda kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
19 Tinugis ni Abias si Jeroboam, at nasakop niya ang mga lunsod ng Bethel, Jesana at Efron, pati ang mga nayon nito.
20 Sa panahon ng paghahari ni Abias, hindi na nakabawi si Jeroboam hanggang sa patayin siya ni Yahweh.
21 Naging makapangyarihan si Abias. Labing-apat ang kanyang asawa, at ang mga naging anak niya'y dalawampu't dalawang lalaki at labing-anim na babae.
22 Ang iba pang ginawa at sinabi ni Abias ay nakasulat sa Kasaysayan ng propetang si Iddo.