2 Mga Cronica 23 MBB05

Ang Paghihimagsik Laban kay Reyna Atalia

1 Noong ikapitong taon, naglakas-loob si Joiada na makipagkasundo sa mga pinuno ng hukbo na sina Azarias na anak ni Jeroham, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya at Elisafat na anak ni Zicri. Mga pinuno sila ng mga pangkat na daan-daan.

2 Nilibot nila ang buong Juda at tinipon sa Jerusalem ang lahat ng Levita mula sa mga lunsod at ang mga pinuno ng mga angkan ng Israel.

3 Nagtipun-tipon sila sa bulwagan ng Templo ng Diyos at nanumpa ng katapatan sa hari. Sinabi sa kanila ni Joiada: “Narito ang anak ng yumaong hari! Dapat siyang maghari ayon sa pangako ni Yahweh tungkol sa mga anak ni David.

4 Ito ang inyong gagawin: Ang ikatlong bahagi ng mga pari at Levita na naglilingkod kung Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan, ang isa pang ikatlo'y sa palasyo

5 at ang natirang ikatlo'y doon naman sa Pintong Saligan. Ang buong bayan naman ay maghihintay sa mga bulwagan ng Templo ni Yahweh.

6 Walang papasok sa Templo kundi ang mga pari at mga Levitang naglilingkod. Sila lamang ang makakapasok sapagkat sila lamang ang itinalaga ng Diyos para dito. Subalit ang mga taong-bayan ay maghihintay sa labas gaya nang ipinag-uutos ni Yahweh.

7 Sa palibot ng hari'y magbabantay ang mga Levita na ang bawat isa'y may sandata. Papatayin ang sinumang mangahas pumasok sa Templo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari.”

8 Sinunod ng mga Levita at ng mga mamamayan ng Juda ang lahat ng utos ng paring si Joiada. Ang bawat pinuno ay laging kasama ng kanyang mga tauhan pati ang pangkat na pamalit o papalitan sa Araw ng Pamamahinga sapagkat sila'y hindi pinapauwi ni Joiada.

9 Ibinigay niya sa mga pinuno ng hukbo ang mga sibat at ang malalaki at maliliit na panangga ni Haring David na nakatago sa Templo.

10 May sandata ang bawat isa at ang lahat ay nakabantay sa bawat sulok mula sa timog hanggang hilaga ng palasyo at sa palibot ng altar sa harapan ng Templo.

11 Nang maisagawa na ang lahat ng ito, inilabas ni Joiada ang anak ng hari at pinutungan ng korona. Ibinigay sa kanya ang isang kopya ng kasulatan tungkol sa paghahari at ipinahayag siyang hari. Lumapit si Joiada at ang kanyang mga anak at pinahiran siya ng langis. Nagsigawan ang lahat, “Mabuhay ang hari!”

12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga taong nagbubunyi sa hari, pumunta siya sa Templo.

13 Nakita niyang nakatayo ang hari sa may haligi sa may pintuan ng Templo. Lahat ay masayang umaawit at may tumutugtog ng trumpeta at ng iba pang mga instrumento. Pinunit ni Atalia ang kanyang kasuotan at sumigaw, “Ito'y isang kataksilan!”

14 “Ilabas ang babaing iyan!” utos ni Joiada sa mga pinuno ng hukbo. “Patayin ang sinumang magtangkang magligtas sa kanya. Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng Templo ni Yahweh.”

15 Dinakip nila si Atalia at dinala sa palasyo sa may pintong daanan ng mga kabayo. Doon nila siya pinatay.

Ang mga Repormang Isinagawa ng Paring si Joiada

16 Pagkatapos, nakipagkasunduan si Joiada sa mga tao at sa hari na sila'y magiging sambayanan ni Yahweh.

17 Nagkaisa ang lahat na wasakin ang Templo ni Baal kaya't dinurog nila ang mga altar at ang mga rebultong naroon. Pinatay nila sa harap ng mga altar si Matan, ang pari ni Baal.

18 Naglagay si Joiada ng mga tagapagbantay sa Templo, sa ilalim ng pamamahala ng mga pari at ng mga Levita na inilagay ni David sa tungkuling iyon. Sila ang mag-aalay ng mga handog na susunugin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sila rin ang mamamahala sa awitan at sa pagdiriwang ayon sa kaayusang ginawa ni David.

19 Pinabantayan ni Joiada ang lahat ng pintuan ng Templo para hindi makapasok ang sinumang itinuturing na marumi.

20 Pagkatapos, tinawag niya ang mga pinuno ng bawat pangkat na daan-daan, ang mga pangunahing mamamayan, mga pinuno ng bayan at ang lahat ng mamamayan sa lupain. Inihatid nila ang hari mula sa Templo patungo sa palasyo. Dumaan sila sa malaking pintuan at kanilang pinaupo sa trono ang hari.

21 Nagdiwang ang lahat ng tao sa buong lupain. Naging tahimik ang lunsod nang mapatay si Atalia.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36