1 Pagkatapos manalangin ni Solomon, may apoy na bumabâ mula sa langit; tinupok ang mga handog, at ang Templo ay napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh.
2 Hindi makapasok sa Templo ang mga pari sapagkat napuno ito ng kaluwalhatian ni Yahweh.
3 Nasaksihan ng buong Israel nang bumabâ ang apoy at nang ang Templo'y mapuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Kaya't nagpatirapa sila, sumamba at nagpasalamat kay Yahweh, at nagsasabing, “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
4 Pagkatapos, ang hari at ang buong bayan ay nag-alay ng mga handog kay Yahweh.
5 Naghandog si Solomon ng 22,000 baka at 120,000 tupa. Sa ganitong paraan itinalaga ng hari at ng sambayanan ang Templo ng Diyos.
6 Nakatayo ang mga pari sa kani-kanilang lugar, kaharap ang mga Levita na tumutugtog ng mga instrumentong ginawa ni Haring David upang pasalamatan si Yahweh. Ito ang awit nila: “Ang tapat niyang pag-ibig ay walang hanggan.” Hinipan naman ng mga pari ang mga trumpeta habang nakatayo ang buong sambayanan ng Israel.
7 Itinalaga ni Solomon ang gitna ng bulwagan sa harap ng Templo. Doon niya inialay ang mga handog na susunugin, ang mga handog na pagkaing butil at ang mga tabang handog pangkapayapaan, sapagkat hindi magkasya ang mga ito sa altar na tanso na ipinagawa ni Solomon.
8 Ipinagdiwang ni Solomon ang Pista ng mga Tolda sa loob ng pitong araw. Dumalo roon ang buong bayan ng Israel mula sa pagpasok sa Hamat na nasa hilaga hanggang sa Batis ng Egipto sa timog.
9 Nang ikawalong araw, nagdaos sila ng isang dakilang pagtitipon. Pitong araw nilang ipinagdiwang ang pagtatalaga sa altar at pitong araw rin ang Pista ng mga Tolda.
10 Nang ikadalawampu't tatlong araw ng ikapitong buwan, pinauwi na ni Solomon ang mga tao. Masayang-masaya silang lahat dahil sa kagandahang-loob ni Yahweh kay David, kay Solomon at sa kanyang bayang Israel.
11 Natapos ni Solomon ang Templo ni Yahweh at ang sarili niyang palasyo. Sinunod niyang lahat ang plano niya para sa mga ito.
12 Isang gabi, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi sa kanya: “Narinig ko ang iyong panalangin at tinatanggap ko ang lugar na ito upang dito ninyo ako handugan.
13 Isara ko man ang langit at hindi na umulan; utusan ko man ang mga balang upang salantain ang lupaing ito; magpadala man ako ng salot sa aking bayan,
14 ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbabá, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain.
15 Babantayan ko sila at papakinggan ko ang mga panalanging iniaalay nila rito.
16 Pinili ko at iniuukol ang Templong ito upang dito ako sambahin magpakailanman. Lagi kong babantayan at mamahalin ang Templong ito magpakailanman.
17 Kung mananatili kang tapat sa akin gaya ng iyong amang si David, kung susundin mo ang lahat kong mga utos at tuntunin,
18 patatatagin ko ang iyong paghahari. Tulad ng pangako ko sa iyong amang si David, hindi siya mawawalan ng anak na lalaki na maghahari sa Israel.
19 “Ngunit kapag tinalikuran ninyo ako at sinuway ninyo ang mga batas at mga utos na ibinigay ko sa inyo, at sumamba kayo at naglingkod sa ibang mga diyos,
20 palalayasin ko kayo sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo. Iiwan ko ang Templong ito na inilaan ko upang dito ako sambahin. Pagtatawanan ito at lalapastanganin ng mga bansa.
21 Ang mapapadaan sa tapat ng Templong ito na ngayo'y dinadakila ay mapapailing at magtatanong: ‘Bakit kaya ganito ang ginawa ni Yahweh sa lupaing ito at sa Templong ito?’
22 Ito naman ang isasagot sa kanila: ‘Sapagkat tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na naglabas sa kanila sa Egipto. Bumaling sila sa ibang mga diyos at ang mga ito ang kanilang sinamba at pinaglingkuran. Kaya pinarusahan sila ng ganito ni Yahweh.’”