1 Si Ezequias ay dalawampu't limang taóng gulang nang maging hari at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Abija na anak ni Zacarias.
2 Katulad ng kanyang ninunong si David, gumawa siya ng kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh.
3 Sa unang buwan ng unang taon ng paghahari ni Ezequias, pinabuksan niya ang mga pintuan ng Templo at ipinaayos ito.
4 Tinipon niya ang mga pari at mga Levita sa bulwagan sa gawing silangan ng Templo.
5 Sinabi niya: “Makinig kayo, mga Levita. Italaga ninyo ngayon ang inyong sarili at ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Alisin ninyo ang mga karumal-dumal na bagay sa dakong banal.
6 Nagkasala ang ating mga magulang. Hindi sila naging tapat kay Yahweh na ating Diyos. Kanilang tinalikuran siya at ang kanyang Templo.
7 Isinara nila ang mga pintuan sa portiko. Hindi nila sinindihan ang mga ilawan at hindi na nagsunog ng insenso. Hindi na rin sila nagdala ng handog na susunugin sa dakong banal ng Diyos ng Israel.
8 Kaya nagalit si Yahweh sa Juda at sa Jerusalem at ginawa niyang kahiya-hiya at kakila-kilabot ang kanilang sinapit gaya ng inyong nakikita.
9 Kaya naman napatay sa digmaan ang ating mga magulang at nabihag ng mga kaaway ang ating mga anak at mga asawa.
10 Napagpasyahan kong manumpa tayo kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, upang mapawi ang galit niya sa atin.
11 Mga anak, huwag na kayong mag-aksaya ng panahon. Kayo ang pinili ni Yahweh na mag-alay ng handog at magsunog ng insenso at manguna sa pagsamba sa kanya.”
12 Inihanda ng mga Levita ang kanilang sarili. Sa angkan ni Kohat: si Mahat na anak ni Amasai at si Joel na anak ni Azarias. Sa angkan ni Merari: si Kish na anak ni Abdi at si Azarias na anak ni Jehalelel. Sa angkan ni Gershon: si Joah na anak ni Zimma at si Eden na anak naman ni Joah.
13 Sa angkan naman ni Elizafan: si Simri na anak ni Jeiel. Sa angkan ni Asaf: sina Zacarias at Matanias.
14 Sa angkan ni Heman: sina Jehiel at Simei. Sa angkan ni Jeduthun: sina Semaias at Uziel.
15 Tinipon ng mga ito ang kanilang mga kapwa Levita at nilinis ang kanilang sarili ayon sa Kautusan. Gaya ng utos sa kanila ng hari, pumasok sila at nilinis ang Templo ayon sa Kautusan ni Yahweh.
16 Pumasok naman sa loob ng Templo ang mga pari at inilabas ang maruruming bagay sa bulwagan ng Templo ni Yahweh. Kinuha naman ito ng mga Levita at dinala sa Libis ng Kidron.
17 Sinimulan nila ang gawain ng paglilinis noong unang araw ng unang buwan at ikawalong araw nang umabot sila sa portiko. Walong araw pa nilang nilinis ang Templo ni Yahweh at natapos nila ito sa ikalabing-anim na araw ng buwan ding iyon.
18 Pagkatapos, pumunta ang mga Levita kay Haring Ezequias at sinabi dito, “Nalinis na po namin ang Templo ni Yahweh, ang altar na pinagsusunugan ng mga handog at ang lahat ng kagamitan doon, pati ang hapag ng mga tinapay na handog at ang mga kagamitan doon.
19 Ang mga kasangkapan namang inalis ni Haring Ahaz nang tumalikod siya sa Diyos ay ibinalik namin at muling inilaan para sa Diyos. Nakalagay na po ang lahat ng ito sa harap ng altar ni Yahweh.”
20 Maagang bumangon si Haring Ezequias at tinipon niya ang mga pinuno ng lunsod. Magkakasama silang pumunta sa Templo ni Yahweh.
21 May dala silang pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong kordero at pitong lalaking kambing na handog pangkasalanan para sa kaharian, sa Templo at sa Juda. Iniutos ng hari sa mga paring mula sa angkan ni Aaron na ihandog ang mga ito sa altar ni Yahweh.
22 Kaya't pinatay ng mga pari ang mga toro at ang dugo nito'y iwinisik nila sa altar. Gayundin ang ginawa sa mga lalaking tupa at kordero.
23 Ngunit ang mga lalaking kambing na handog pangkasalanan ay dinala sa harapan ng hari at ng kapulungan. Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga hayop na ito.
24 Pagkatapos, pinatay ng mga pari ang mga kambing at ang dugo ng mga ito'y dinala nila sa altar at inihandog bilang pambayad sa kasalanan ng buong Israel, sapagkat iniutos ng hari na ialay para sa buong Israel ang handog na susunugin at ang handog pangkasalanan.
25 Naglagay din siya ng manunugtog sa Templo ni Yahweh: mga Levitang tutugtog ng mga pompiyang, lira at alpa. Ito ang utos ni David, ni Gad na propeta ng hari at ni propeta Natan, ayon sa utos ni Yahweh na ibinigay sa pamamagitan ng kanyang mga propeta.
26 Nakatayo doon ang mga Levita na may hawak na mga panugtog na ginamit ni David at ang mga pari naman ang may hawak ng mga trumpeta.
27 Iniutos ni Ezequias na ialay sa altar ang handog na susunugin. Kasabay ng paghahandog, inawit ang papuri kay Yahweh sa saliw ng trumpeta at mga instrumento ni David.
28 Ang buong kapulungan ay sumamba, umawit ang mga mang-aawit at hinipan ang mga trumpeta hanggang sa matapos ang pagsusunog ng mga handog.
29 Pagkatapos, ang hari naman at ang kanyang mga kasama ang nagpatirapa at sumamba sa Diyos.
30 Iniutos ni Haring Ezequias at ng mga pinunong kasama niya sa mga Levita na awitin para kay Yahweh ang mga awit at papuring likha ni Haring David at ng propeta niyang si Asaf. Buong galak silang umawit ng papuri, nagpatirapa at sumamba sa Diyos.
31 Sinabi ni Ezequias sa mga tao, “Nalinis na ninyo ngayon ang inyong mga sarili para kay Yahweh. Lumapit na kayo at dalhin sa Templo ang inyong mga handog ng pasasalamat kay Yahweh.” Nagdala nga ang buong kapulungan ng mga handog ng pasasalamat at ang iba nama'y kusang-loob na nagdala ng mga handog na susunugin.
32 Ang mga handog na susunugin para kay Yahweh ay umabot sa pitumpung toro, sandaang lalaking tupa at dalawandaang kordero.
33 Ang inialay na mga handog ay umabot sa 600 toro at 3,000 tupa.
34 Ngunit iilan lamang ang mga pari at hindi nila kayang gawin lahat ang pag-aalay sa mga handog na susunugin. Kaya tinulungan sila ng mga Levita. Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataong makapaglinis ng sarili ang ibang pari. Sapagkat naging mas masigasig sa paglilinis ng sarili ang mga Levita kaysa mga pari.
35 Bukod sa mga handog na susunugin, marami rin ang taba ng mga handog na pagkaing butil at inumin. Sa ganitong paraan, naibalik ang dating pagsamba sa Templo ni Yahweh.
36 Tuwang-tuwa si Haring Ezequias at ang buong bayan sa ginawa ng Diyos para sa kanila sapagkat hindi nila akalaing ito'y matatapos agad.