4 Kahit na sa Jerusalem nakatira si Jehoshafat, pumupunta siya sa Beer-seba hanggang sa kaburulan ng Efraim upang hikayatin ang mga tao na magbalik-loob kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
5 Naglagay siya ng mga hukom sa buong lupain, isa sa bawat may pader na lunsod ng Juda.
6 Sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo sa paghatol sapagkat humahatol kayo para kay Yahweh at hindi para sa tao. Kasama ninyo siya sa inyong paghatol.
7 Igalang at sundin ninyo si Yahweh. Mag-ingat kayo sa paghatol sapagkat hindi pinahihintulutan ng Diyos nating si Yahweh ang pandaraya, ang pagkiling sa sinuman at ang pagtanggap ng suhol.”
8 Naglagay rin si Jehoshafat sa Jerusalem ng mga hukom na binubuo ng mga Levita, mga pari at mga pinuno ng mga angkan ng Israel. Pinili niya ang mga ito upang humatol sa mga usapin ukol sa paglabag sa mga kautusan ni Yahweh at sa mabibigat na usapin ng mga taong-bayan.
9 Sinabi niya sa kanila, “Gampanan ninyo ang inyong tungkulin nang may takot kay Yahweh nang buong puso, at nang buong katapatan.
10 Kapag ang inyong mga kapatid mula sa ibang lunsod ay nagsampa sa inyo ng usaping may kinalaman sa pagpatay ng tao o anumang paglabag sa kautusan, pangaralan ninyo silang mabuti upang hindi sila magkasala sa harap ni Yahweh. Sa ganitong paraan, hindi magagalit si Yahweh sa inyo at sa kanila.