2 Naglagay si Solomon ng 80,000 katao na tagatibag ng bato sa kabundukan, 70,000 tagahakot, at 3,600 tagapamahala.
3 Pagkatapos ay sumulat siya kay Haring Hiram ng Tiro na ganito ang sinasabi: “Kung paano ninyo pinakitunguhan ang aking amang si David at pinadalhan ninyo ng mga kahoy na sedar na ginamit niya sa pagtatayo ng kanyang palasyo, gayundin po sana ang gawin ninyo sa akin.
4 Ngayon po'y magtatayo ako ng isang templo na kung saan ay sasambahin ang aking Diyos na si Yahweh. Magiging banal na lugar iyon para sa kanya bilang dakong sunugan ng insenso at pag-aalayan ng tinapay at handog na susunugin sa umaga, sa hapon, sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa mga takdang kapistahan ni Yahweh na aming Diyos, sapagkat ito'y utos sa Israel magpakailanman.
5 Malaki ang templong ipatatayo ko sapagkat mas dakila ang aming Diyos kaysa alinmang diyos.
6 Ngunit sino nga ba ang makakapagtayo ng isang templong maaaring tirahan niya gayong maging sa kataas-taasang langit ay hindi siya magkasya. At sino naman ako upang ipagtayo siya ng templo? Ang ipatatayo ko'y isa lamang templong mapagsusunugan ng mga handog sa harap niya.
7 Kaya kung maaari, padalhan ninyo ako ng isang taong mahusay na panday ng ginto, pilak, tanso at bakal, sanay humabi ng mga telang kulay ube, pula at asul, at mahusay din naman sa pag-ukit. Siya ang mamamahala sa aking mga manggagawa rito sa Juda at sa Jerusalem, sa mga tauhang inihanda ng aking amang si David.
8 Padalhan din ninyo ako ng mga kahoy na sedar, sipres at algum na galing sa Lebanon. Alam kong bihasa ang mga tauhan ninyo sa pagputol ng kahoy sa Lebanon. Magpapadala ako ng aking mga tauhan upang tumulong.