21 Matapos niyang paalalahanan ang mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit na magpupuri kay Yahweh dahil sa kanyang kahanga-hangang kabanalan. Inilagay niya ang mga ito sa unahan ng hukbo at habang daa'y umaawit:“Purihin si Yahweh,pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
22 Nang marinig ng mga kaaway ang awitan, ginulo sila ni Yahweh. Dahil dito, sila-sila ang nagkagulo.
23 Ang sinalakay ng mga Ammonita at Moabita ay ang kasama nilang taga-Edom, at nilipol nila ang mga ito. Pagkatapos, sila-sila ang nagpatayan.
24 Umakyat ang mga taga-Juda sa tore na nasa disyerto at nagmanman sa mga kaaway. Wala silang nakitang nakatakas. Lahat ay patay na nakahandusay sa lupa.
25 Napakaraming nasamsam ni Jehoshafat at ng kanyang mga kasama. Halos hindi nila madala ang nasamsam nilang kawan, mga kagamitan, damit at maraming mahahalagang bagay. Tatlong araw nila itong hinakot ngunit sa sobrang dami ay hindi nila nakuhang lahat.
26 Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa isang libis at nagpuri kay Yahweh. Kaya, simula noo'y tinawag na Libis ng Beraca ang lugar na iyon.
27 Sa pangunguna ni Jehoshafat, umuwi na ang lahat ng mga taga-Juda at Jerusalem. Tuwang-tuwa sila dahil sa tagumpay na ipinagkaloob sa kanila ni Yahweh.