27 Sa pangunguna ni Jehoshafat, umuwi na ang lahat ng mga taga-Juda at Jerusalem. Tuwang-tuwa sila dahil sa tagumpay na ipinagkaloob sa kanila ni Yahweh.
28 Pagdating nila sa Jerusalem ay tumuloy sila sa Templo, kasabay ng tugtog ng mga alpa, lira at trumpeta.
29 Mula noon, ang lahat ng kaharian at bansa ay natakot nang malaman nila kung paano tinalo ni Yahweh ang mga kaaway ng Israel.
30 Naging tahimik ang buong nasasakupan ni Jehoshafat, at binigyan siya ng Diyos ng kapayapaan sa buong kaharian.
31 Tatlumpu't limang taóng gulang si Jehoshafat nang magsimula siyang maghari, at namahala siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't limang taon. Ang ina niya'y si Azuba na anak ni Silhi.
32 Tulad ng kanyang amang si Asa, ginawa niya ang mabuti sa paningin ni Yahweh.
33 Gayunman, nanatili pa rin ang mga dambana ng mga pagano. Hindi pa lubusang nanumbalik ang mga tao sa Diyos ng kanilang mga ninuno.