3 Nabahala si Jehoshafat at humingi siya ng patnubay kay Yahweh. Iniutos niya na mag-ayuno ang lahat ng mamamayan ng Juda.
4 Nagtipun-tipon ang buong Juda upang humingi ng tulong kay Yahweh. Dumating sila buhat sa iba't ibang lunsod.
5 Tumayo si Jehoshafat sa harap ng mga taga-Juda at Jerusalem na nagtitipon sa bagong bulwagan ng Templo.
6 Nanalangin siya: “O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno at ng buong kalangitan, kayo po ang namamahala sa lahat ng bansa at ikaw ang may lubos na kapangyarihan. Kaya walang maaaring lumaban sa inyo.
7 O Diyos namin, ikaw ang nagpalayas sa mga tagarito upang ibigay ang lupaing ito sa bayan mong Israel magpakailanman. Ginawa ninyo iyon ayon sa inyong pangako kay Abraham na inyong kaibigan.
8 Dito nga sila tumira at itinayo nila ang Templong ito upang dito kayo sambahin. Sabi nila,
9 ‘Kung may masamang mangyari sa amin tulad ng digmaan, baha, salot o taggutom, haharap kami sa Templong ito upang humingi ng tulong sa inyo sapagkat dito kayo sinasamba. Tatawag kami sa inyo, papakinggan ninyo kami at ililigtas sa panahon ng aming kagipitan.’