6 Nanalangin siya: “O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno at ng buong kalangitan, kayo po ang namamahala sa lahat ng bansa at ikaw ang may lubos na kapangyarihan. Kaya walang maaaring lumaban sa inyo.
7 O Diyos namin, ikaw ang nagpalayas sa mga tagarito upang ibigay ang lupaing ito sa bayan mong Israel magpakailanman. Ginawa ninyo iyon ayon sa inyong pangako kay Abraham na inyong kaibigan.
8 Dito nga sila tumira at itinayo nila ang Templong ito upang dito kayo sambahin. Sabi nila,
9 ‘Kung may masamang mangyari sa amin tulad ng digmaan, baha, salot o taggutom, haharap kami sa Templong ito upang humingi ng tulong sa inyo sapagkat dito kayo sinasamba. Tatawag kami sa inyo, papakinggan ninyo kami at ililigtas sa panahon ng aming kagipitan.’
10 “Ngayo'y sinasalakay kami ng mga kawal mula sa Ammon, Moab at sa kaburulan ng Edom, mga lugar na hindi ninyo ipinahintulot na pasukin ng mga Israelita nang umalis sila sa Egipto, kaya sila'y hindi nawasak.
11 Ngayo'y ito po ang iginanti nila sa amin! Sinalakay nila kami at nais palayasin sa lupaing ito na ipinamana ninyo sa amin.
12 Ikaw po ang Diyos namin, parusahan ninyo sila. Hindi namin kayang labanan ang ganito karaming hukbo. Hindi po namin alam ang aming gagawin. Sa inyo lamang kami umaasa.”