2 Mga Cronica 25:4-10 MBB05

4 Ngunit hindi niya pinatay ang kanilang mga anak alinsunod sa utos ni Yahweh na nasa aklat ni Moises na ganito ang sinasabi, “Hindi dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng mga anak ni ang mga anak dahil sa krimeng nagawa ng mga magulang. Ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin.”

5 Pagkatapos, tinipon ni Amazias ang mga lalaki sa Juda at pinagpangkat-pangkat ayon sa kani-kanilang angkan. Ginawa rin niya ito sa lipi ni Benjamin. Bumuo siya ng mga pangkat na libu-libo at ng mga daan-daan. Nilagyan niya ang mga ito ng kanya-kanyang pinuno. Pagkatapos, ibinukod niya ang mga kabataang may dalawampung taon ang gulang pataas at nakatipon siya ng tatlong daang libo. Lahat ng ito'y handang makipagdigma at sanay humawak ng panangga at sibat.

6 Kumuha pa siya sa Israel ng 100,000 matatapang na kawal at inupahan niya ang mga ito ng 3,500 kilong pilak.

7 Ngunit may isang lingkod ng Diyos na nagpayo sa kanya ng ganito: “Mahal na hari, huwag po ninyong isasama ang hukbo ng Israel sa inyong pagsalakay sapagkat hindi na po pinapatnubayan ni Yahweh ang mga Efraimitang iyon!

8 Maaaring iniisip ninyo na palalakasin nila kayo sa digmaan. Ngunit ang Diyos ang nagbibigay ng tagumpay o pagkatalo. Ipapatalo niya kayo sa inyong mga kaaway.”

9 Sinabi ni Amazias sa propeta, “Ngunit paano naman ang mga pilak na naibayad ko na sa kanila?”Sumagot ang propeta ng Diyos, “Higit pa riyan ang maibibigay sa inyo ni Yahweh.”

10 Pinauwi na nga ni Amazias ang mga kawal na mula sa Efraim. Dahil dito, lubha silang nagdamdam at umuwing galit na galit sa mga taga-Juda.