9 Si Oded, isang propeta ni Yahweh, ay nasa Samaria noon. Sinalubong niya ang bumabalik na hukbo at kanyang sinabi, “Nagtagumpay kayo laban sa Juda sapagkat galit sa kanila si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Ngunit pinuksa ninyo sila dahil sa abot hanggang langit na ang galit ninyo sa kanila.
10 Gusto pa ninyo ngayong alipinin ang mga lalaki at babaing taga-Juda at Jerusalem. Hindi ba ninyo alam na kayo'y nagkakasala rin sa Diyos ninyong si Yahweh?
11 Makinig kayo sa akin. Mga kamag-anak ninyo ang mga bihag ninyong ito. Pauwiin na ninyo sila, kung hindi'y paparusahan kayo ni Yahweh dahil galit siya sa inyo.”
12 Nang sandaling iyon, may dumating ding ilang pinuno ng Efraim: sina Azarias na anak ni Johanan, Berequias na anak ni Mesillemot, Jehizkias na anak ni Sallum at Amasa na anak naman ni Hadlai.
13 Tumutol din sila sa ginawa ng Israel at nagsabi, “Huwag ninyong ipapasok sa ating bansa ang mga bihag na iyan. Lalo tayong magkakasala at ito'y pananagutan natin sa harapan ni Yahweh. Marami na tayong kasalanan at lalong magagalit ang Diyos sa Israel.”
14 Kaya't iniwan ng mga kawal ang mga bihag at ang mga nasamsam sa pangangalaga ng mga pinuno at ng mga taong-bayan.
15 Kumilos naman agad ang mga nabanggit na lalaki upang tulungan ang mga bihag. Ang mga bihag na wala na halos damit ay kanilang binihisan mula sa mga kasuotang nasamsam. Binigyan din nila ang mga ito ng mga sapin sa paa. Pinakain nila't pinainom ang mga bihag at ginamot ang mga sugatan. Ang mahihina nama'y isinakay nila sa mga asno at inihatid sa kanilang mga kasamahang nasa Jerico, ang lunsod ng mga palma. Pagkatapos ay bumalik na ang mga pinuno sa Samaria.