1 Si Ezequias ay dalawampu't limang taóng gulang nang maging hari at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Abija na anak ni Zacarias.
2 Katulad ng kanyang ninunong si David, gumawa siya ng kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh.
3 Sa unang buwan ng unang taon ng paghahari ni Ezequias, pinabuksan niya ang mga pintuan ng Templo at ipinaayos ito.
4 Tinipon niya ang mga pari at mga Levita sa bulwagan sa gawing silangan ng Templo.
5 Sinabi niya: “Makinig kayo, mga Levita. Italaga ninyo ngayon ang inyong sarili at ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Alisin ninyo ang mga karumal-dumal na bagay sa dakong banal.
6 Nagkasala ang ating mga magulang. Hindi sila naging tapat kay Yahweh na ating Diyos. Kanilang tinalikuran siya at ang kanyang Templo.
7 Isinara nila ang mga pintuan sa portiko. Hindi nila sinindihan ang mga ilawan at hindi na nagsunog ng insenso. Hindi na rin sila nagdala ng handog na susunugin sa dakong banal ng Diyos ng Israel.