25 Ngunit hindi niya kinilalang utang na loob ang ginawa ni Yahweh para sa kanya. Sa halip ay naging palalo siya kaya naman pinarusahan siya ng Diyos, pati ang Juda at Jerusalem.
26 Ngunit sa bandang huli ay nagpakumbabá siya at ang mga taga-Jerusalem. Dahil dito, hindi pinarusahan ni Yahweh ang sambayanan habang nabubuhay pa si Ezequias.
27 Napakarami ng kayamanang naipon ni Ezequias. Kaya nagpagawa siya ng sariling imbakan ng pilak, ginto, mahahalagang bato, pabango, mga kalasag at mahahalagang kasangkapan.
28 Nagpagawa rin siya ng mga bodega ng trigo, alak at langis at mga kulungan ng baka at tupa.
29 Dumami ang kawan ng kanyang mga hayop. Pinayaman siya ng Diyos.
30 Hinarangan niya ang batis ng Gihon sa gawing itaas ng lunsod at pinalihis sa gawing kanluran patungo sa Lunsod ni David. Masasabing si Ezequias ay nagtagumpay sa lahat ng kanyang ginawa,
31 maging sa pakikitungo sa mga sugo ng hari ng Babilonia na dumating sa kanya upang magsiyasat sa mga pambihirang pangyayari sa lupain. Hinayaan siya ng Diyos na gawin ang gusto niya upang subukin ang kanyang pagkatao.