2 Hindi kinalugdan ni Yahweh ang ginawa niya sapagkat tinularan niya ang kasamaan ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa lupaing iyon nang sakupin iyon ng bayang Israel.
3 Muli niyang itinayo ang mga sambahan ng mga pagano na winasak ng kanyang amang si Ezequias. Nagtayo rin siya ng mga dambana para kay Baal, gumawa ng mga imahen ng diyosang si Ashera at sumamba sa mga bituin.
4 Nagtayo siya ng mga altar ng mga pagano sa Templo, sa lugar na sinabi ni Yahweh kung saan siya'y sasambahin magpakailanman.
5 Pati ang dalawang bulwagan ng Templo ay nilagyan niya ng mga altar para sa mga bituin.
6 Ang mga anak niyang lalaki ay sinunog niya sa Libis ng Ben Hinom bilang handog sa mga diyus-diyosan. Naging mahilig siya sa mga panghuhula, pangkukulam at salamangka. Nagpupunta rin siya sa mga sumasangguni sa espiritu ng namatay na at sa mga manghuhula. Dahil sa mga kasamaang ito, nagalit sa kanya si Yahweh.
7 Pati ang inukit niyang larawan ng isang diyus-diyosan ay dinala niya sa Templo. Tungkol sa templong iyon ay sinabi ng Diyos kay David at sa anak nitong si Solomon: “Ang Templong ito sa Jerusalem ay pinili ko sa mga lipi ng Israel upang dito ako sambahin magpakailanman.
8 Kung susundin nilang mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ni Moises, hindi ko na sila aalisin sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.”