1 Mga taga-Israel, pakinggan ninyo ang panaghoy kong ito tungkol sa inyo:
2 Nabuwal ang Israel at di na makakabangon.Nakahandusay siya at sa kanya'y walang tumutulong.
3 Sinabi ng Panginoong Yahweh,“Sa sanlibong kawal na inatasan ng isang lunsod,iisang daan ang makakabalik;sa sandaan namang inatasan ng isa pang lunsod,ang makakabalik ay sampu na lamang.”
4 Ito pa ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Israel:“Lumapit kayo sa akin at kayo'y mabubuhay;
5 huwag kayong pumunta sa Bethel upang humingi ng tulong;huwag kayong pumunta doon sa Beer-seba,sapagkat ang mga taga-Gilgal ay tiyak na mabibihag,at ang Bethel ay mawawalang kabuluhan.”
6 Lumapit kayo kay Yahweh at kayo'y mabubuhay.Kung hindi, bababâ siyang parang apoy sa mga anak ni Jose,susunugin ang Bethel at walang makakasugpo sa apoy na ito.
7 Kahabag-habag kayo na nagkakait ng katarunganat yumuyurak sa karapatan ng mga tao!
8 Nilikha ni Yahweh ang Pleyades at ang Orion.Itinatakda niya ang araw at ang gabi.Tinipon niya ang tubig mula sa karagatan,upang muling ibuhos sa sangkalupaan;Yahweh ang kanyang pangalan.
9 Winawasak niya ang mga kuta at dinudurog ang mga tanggulan.
10 Namumuhi kayo sa naninindigan sa katarungan,at hinahamak ang nagsasabi ng katotohanan.
11 Ginigipit ninyo ang mahihirapat hinuhuthot ang kanilang ani.Kaya't hindi ninyo matitirhan ang bahay na batong inyong itinayo,ni malalasap man lang ang alak mula sa malalawak ninyong ubasan.
12 Alam ko kung gaano karami ang inyong ginawang kasamaan,at kung gaano kabigat ang inyong mga kasalanan.Kayo'y humihingi ng suhol sa mga taong matuwid,at ipinagkakait ninyo sa mga mahihirap ang katarungan.
13 Naghahari ang kasamaan sa panahong ito;kaya't kung ika'y matalino, mananahimik ka na lang.
14 Gawin mo ang matuwid, hindi ang masama,upang ikaw ay mabuhay.Sa gayon, sasaiyo si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,tulad ng sinasabi mo.
15 Kamuhian mo ang masama, ibigin ang mabuti.Pairalin mo sa mga hukuman ang katarungan,baka sakaling kahabagan ni Yahwehang matitirang buháy sa lahi ni Jose.
16 Kaya't sinasabi ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang Panginoon,“Maririnig sa mga lansangan ang mga pagtangis;at ang mga paghihinagpis sa mga liwasan.Pati ang mga magsasaka ay makikidalamhati,kasama ng mga bayarang taga-iyak.
17 May mga pagtangis sa bawat ubasan,sapagkat darating na ako sa inyong kalagitnaan.”
18 Kahabag-habag kayo na naghihintay sa pagdating ng araw ni Yahweh!Bakit ninyo hinihintay ang araw na iyon?Iyon ay magiging araw ng kadiliman, hindi ng kaliwanagan.
19 Para kayong umiwas sa leon ngunit oso ang nasagupa!O kaya'y gaya ng isang taong umuwi sa bahay,ngunit pagsandal sa dingding ay tinuklaw ng ahas!
20 Magiging pusikit na kadiliman at hindi kaliwanagan ang araw ni Yahweh;araw na napakalungkot at napakadilim!
21 “Namumuhi ako sa inyong mga handaan,hindi ako nalulugod sa inyong mga banal na pagtitipon.
22 Hindi ko matatanggap ang inyong mga handog na sinusunog,handog na mga pagkaing butil at mga hayop na pinataba.Kahit na ang mga iyon ay handog pangkapayapaan,hindi ko pa rin papansinin.
23 Tigilan na ninyo ang maiingay na awitan;ayoko nang marinig ang inyong mga alpa.
24 Sa halip ay padaluyin ninyo ang katarungan, gaya ng isang ilog;gayundin ang katuwiran tulad ng isang di natutuyong batis.
25 “Sa loob ng apatnapung taóng pamamalagi ninyo sa ilang, O Israel, nagdala ba kayo sa akin ng mga handog na sinusunog at ng mga handog ng pasasalamat?
26 Buhatin na ninyo ang rebulto ni Sakut na inyong hari at ni Kaiwan, ang diyos na bituin, ang mga imahen na inyong ginawa.
27 Dahil dito'y itatapon ko kayo sa kabila pa ng Damasco,” sabi ni Yahweh, na ang pangalan ay Diyos na Makapangyarihan sa lahat.