1 Ito ang pangitaing ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh: Nagpakawala siya ng maraming balang pagkatapos na gapasin ang bahagi ng ani na para sa hari, at habang nagsisimulang tumubo ang pananim.
2 Nakita kong sinimot ng mga balang ang lahat ng halaman sa lupain. At nasabi ko, “Panginoong Yahweh, patawarin mo po ang iyong bayan! Paano pa sila mabubuhay? Sila'y maliliit at mahihina!”
3 Nagbago ang isip ni Yahweh at sinabi niya, “Sige, hindi na mangyayari ang iyong nakita.”
4 Ito ang sumunod na ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh: Handa na siya upang parusahan ang mga tao sa pamamagitan ng apoy. Ang tubig sa kalaliman ng lupa ay tinuyo ng apoy at ngayo'y nasusunog na ang lupain.
5 Kaya't ako'y nakiusap, “Panginoong Yahweh, maawa po kayo sa kanila! Sila'y mahihina't maliliit, baka hindi sila makatagal!”
6 Nagbago ang isip ni Yahweh at ang sabi, “Hindi ko na rin ito hahayaang mangyari.”
7 Ito pa ang ipinakita niya sa akin: Siya'y nakatayo sa tabi ng pader na ginamitan ng hulog. Nakita kong hawak niya ang hulog.
8 Tinanong ako ni Yahweh, “Amos, ano ang nakikita mo?” “Isang hulog po,” sagot ko.At sinabi niya,“Sa pamamagitan ng hulog na ito,ipapakita ko ang pagkakamali ng aking bayang Israel.Hindi na magbabago pa ang pasya ko, paparusahan ko sila.
9 Mawawasak ang mga altar ng mga salinlahi ni Isaac.Mawawasak ang mga banal na dako ng Israel.Sa pamamagitan ng tabak, pupuksain ko ang sambahayan ni Jeroboam.”
10 Si Amazias na pari sa Bethel ay nagsumbong kay Haring Jeroboam ng Israel. “Kasama ng mga tao, si Amos ay may balak na masama laban sa inyo,” sabi niya. “Dahil sa mga sinasabi niya'y nagugulo ang bayan.
11 Sinasabi niyang,‘Mamamatay si Jeroboam sa digmaan,at ang Israel ay dadalhing-bihagsa isang malayong lupain.’”
12 Pagkatapos, hinarap naman ni Amazias si Amos at sinabi, “Tama na iyan, Propeta! Magbalik ka na sa Juda; doon ka mangaral. Hayaan mong sila ang magbayad sa iyo.
13 Huwag ka nang mangaral dito sa Bethel. Narito ang templo ng kaharian at dito sumasamba ang hari.”
14 Sumagot si Amos, “Hindi ako propeta na nangangaral at hindi rin nagsanay na maging isang propeta upang bayaran. Ako'y pastol at nag-aalaga rin ng mga puno ng sikamoro.
15 Ngunit inalis ako ni Yahweh sa gawaing iyon at inutusang magpahayag sa mga taga-Israel para kay Yahweh.
16 Kaya pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh. Sinabi ninyo,‘Huwag kang mangaral laban sa Israel,at huwag kang mangaral laban sa sambahayan ni Isaac.’
17 Sinasabi ni Yahweh,‘Ang asawa mo'y magiging babaing bayaran,at masasawi naman sa digmaan ang iyong mga anak.Paghahati-hatian ng iba ang iyong lupain at ikaw ay mamamatay.Sa isang bayang hindi kumikilala kay Yahweh,ang mga taga-Israel ay dadalhing-bihag sa isang malayong lupain.’”