1 Kahabag-habag kayong namumuhay na maginhawa sa Zion,at kayong naninirahang matiwasay sa Bundok ng Samaria,kayo na kinikilala sa Israel,ang bansang pinili at nilalapitan ng mga nangangailangan!
2 Tingnan ninyo ang lunsod ng Calne;puntahan ninyo ang tanyag na lunsod ng Hamat,at ang Gat, na lunsod ng mga Filisteo.Nakakahigit ba sila kaysa Juda at Israel?Mas malaki ba ang lupaing sakop nila kaysa inyo?
3 Gusto ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong kapahamakan,ngunit sa ginagawa ninyo'y lalong nalalapit ang araw ng karahasan.
4 Kahabag-habag kayo na nahihiga sa magagarang kama na yari sa garing,at nagpapahinga sa malalapad na himlayan,habang nagpapakabusog sa mga piling tupa at pinatabang guya.
5 Lumilikha pa kayo ng mga walang kabuluhang awitin sa saliw ng alpa;tulad ni David, gumagawa kayo ng mga instrumento para sa inyong musika.
6 Sa malalaking mangkok na kayo umiinom ng alak,at mamahaling pabango ang ipinapahid sa katawan,ngunit hindi kayo nagdadalamhati sa pagkawasak ng Israel!
7 Kaya nga't kayo ang unang magiging bihag;matitigil na ang inyong mga handaan at pagdiriwang.