1 Noong una, nangusap ang Dios sa mga ninuno natin sa ibaʼt ibang panahon at paraan sa pamamagitan ng mga propeta.
2 Ngunit nitong mga huling araw, nangusap siya sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan niya, nilikha ng Dios ang sanlibutan, at siya rin ang pinili niyang magmay-ari ng lahat ng bagay.
3 Sa kanya makikita ang nagniningning na kadakilaan ng Dios, at kung ano ang Dios ay ganoon din siya. Siya ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa mundo sa pamamagitan ng makapangyarihan niyang salita. Matapos niya tayong linisin sa ating mga kasalanan, umupo siya sa kanan ng Makapangyarihang Dios doon sa langit.
4 Kaya naging mas dakila ang Anak ng Dios kaysa sa mga anghel at higit na dakila ang pangalan niya kaysa sa kanila.
5 Sapagkat kailanman, wala ni isa man sa mga anghel ang sinabihan ng Dios ng ganito:“Ikaw ang Anak ko,at ngayon, ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.”At wala ring sinabihan ang Dios nang ganito sa sinumang anghel:“Akoʼy magiging Ama niya,at siyaʼy magiging Anak ko.”
6 At nang isusugo na ng Dios ang kanyang bugtong na Anak sa mundo, sinabi niya,“Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Dios.”
7 Ito ang sinabi ng Dios tungkol sa mga anghel:“Ang mga anghel ay magagawa kong hangin.Sila na mga lingkod ko ay magagawa ko ring nagliliyab na apoy.”
8 Ngunit ito naman ang sinabi ng Dios tungkol sa kanyang Anak:“O Dios, ang kaharian mo ay magpakailanman at ang paghahari moʼy makatuwiran.
9 Kinalugdan mo ang gumagawa ng matuwid at kinamuhian mo ang gumagawa ng masama.Kaya pinili ka ng Dios, na iyong Dios, at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya sa mga kasama mo.”
10 At sinabi pa niya sa kanyang Anak,“Sa simula, ikaw Panginoon, ang lumikha ng mundo at ng kalangitan.
11 Maglalaho ang mga ito, ngunit mananatili ka magpakailanman.Maluluma itong lahat tulad ng damit.
12 Titiklupin mo ang mga ito tulad ng isang balabal, at papalitan tulad ng damit.Ngunit hindi ka magbabago, at mananatili kang buhay magpakailanman.”
13 Kailanmaʼy hindi sinabi ng Dios sa sinumang anghel:“Maupo ka sa kanan ko hanggang mapasuko ko sa iyo ang mga kaaway mo.”
14 Kung ganoon, ang mga anghel ay mga espiritung naglilingkod lang sa Dios, at sinusugo niya para tumulong sa mga taong tatanggap ng kaligtasan.