1 Ang bawat punong pari ay pinili mula sa mga tao upang maglingkod sa Dios para sa kanila. Tungkulin niyang maghandog ng mga kaloob at iba pang mga handog para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
2 At dahil tao rin siyang tulad natin na may mga kahinaan, mahinahon siyang nakikitungo sa mga taong hindi nakakaalam na naliligaw sila ng landas.
3 At dahil nagkakasala rin siya, kailangan niyang maghandog, hindi lang para sa kasalanan ng mga tao, kundi para rin sa sarili niyang mga kasalanan.
4 Hindi maaaring makamtan ninuman sa sarili niyang kagustuhan ang karangalan ng pagiging punong pari. Sapagkat ang Dios mismo ang humihirang sa kanya na maging punong pari, tulad ng pagkahirang kay Aaron.
5 Ganoon din naman, hindi si Cristo ang nagparangal sa sarili niya na maging punong pari kundi ang Dios. Sapagkat sinabi sa kanya ng Dios,“Ikaw ang Anak ko, at ngayon ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.”
6 At sinabi pa ng Dios sa ibang bahagi ng Kasulatan,“Ikaw ay pari magpakailanman, tulad ng pagkapari ni Melkizedek.”
7 Noong namumuhay pa si Jesus sa mundong ito, umiiyak siyang nananalangin at nagmamakaawa sa Dios na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig naman siya dahil lubos siyang naging masunurin.
8 At kahit Anak siya mismo ng Dios, natutunan niya ang pagiging masunurin sa pamamagitan ng mga pagtitiis na dinanas niya.
9 Naging ganap siya at pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kanya.
10 Kaya itinalaga siya ng Dios na maging punong pari tulad ng pagkapari ni Melkizedek.
11 Marami pa sana kaming sasabihin tungkol sa mga bagay na ito, pero mahirap ipaliwanag dahil mahina ang pang-unawa ninyo.
12 Dapat mga tagapagturo na sana kayo dahil matagal na kayo sa pananampalataya, ngunit hanggang ngayon ay kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin tungkol sa salita ng Dios. Katulad pa rin kayo ng mga sanggol na nangangailangan ng gatas dahil hindi nʼyo pa kaya ang matigas na pagkain.
13 Ang mga nabubuhay sa gatas ay mga sanggol pa at walang muwang kung ano ang mabuti at masama.
14 Ngunit ang matigas na pagkain ay para sa may mga sapat na gulang na, at alam na kung ano ang mabuti at masama.