1 Kaya bilang matatagal nang sumasampalataya, dapat na nating iwan ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo, at magpatuloy sa mga malalalim na aralin. Huwag na tayong magpabalik-balik pa sa mga aral tungkol sa pagsisisi at pagtalikod sa mga bagay na walang kabuluhan, at tungkol sa pananampalataya sa Dios,
2 mga aral tungkol sa bautismo, pagpapatong ng kamay sa ulo, muling pagkabuhay ng mga patay, at paghahatol ng Dios sa magiging kalagayan ng tao magpakailanman.
3 Sa halip, kung loloobin ng Dios, magpatuloy tayo sa malalalim na aralin,
4-6 upang hindi natin siya talikuran. Sapagkat kung tatalikuran ng isang tao ang Dios, hindi na siya mapagsisisi at mapapanumbalik pa sa Dios. Naliwanagan na ang pag-iisip niya, nakatikim na ng mga biyaya mula sa langit, tumanggap ng Banal na Espiritu, nakatikim na ng kabutihang dulot ng salita ng Dios, at nakadama na ng kapangyarihang ihahayag sa huling araw. Pagkatapos, kung tumalikod pa rin siya sa Dios, hindi na siya mapagsisisi at mapapanumbalik sa Dios dahil para na rin niyang ipinakong muli sa krus at dinala sa kahihiyan ang Anak ng Dios.
7 Tulad tayo ng lupang pinagpapala ng Dios, na matapos tumanggap ng masaganang ulan ay tinutubuan ng mga halamang pakikinabangan ng magsasaka.
8 Ngunit kung matitinik na mga halaman lang ang tumutubo roon, wala itong pakinabang. Nanganganib itong sumpain na lang ng Dios, at sa bandang huli ay susunugin.
9 Mga minamahal, kahit na ganito ang sinasabi namin, nakakatiyak kaming nasa mabuti kayong kalagayan tungkol sa kaligtasan ninyo.
10 Makatarungan ang Dios, at hindi niya magagawang kalimutan ang inyong mabubuting gawa at ang pagmamahal na ipinakita ninyo sa kanya at patuloy na ipinapakita sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kapwa pinabanal ng Dios.
11 Nais naming patuloy na maging masigasig ang bawat isa sa inyo sa pag-asa nʼyo sa Dios hanggang sa wakas, para makamtan ninyo ang inaasahan ninyo.
12 Huwag kayong maging tamad, sa halip, tularan nʼyo ang mga tao na tumatanggap ng mga ipinangako ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya nila at pagtitiis.
13 Tingnan nʼyo ang karanasan ni Abraham: Nang mangako ang Dios kay Abraham, hindi siya gumamit ng ibang pangalan para patunayan ang pangako niya, kundi ginamit niya ang sarili niyang pangalan dahil wala nang makahihigit pa sa kanya.
14 Sinabi niya, “Talagang pagpapalain kita at pararamihin ko ang lahi mo.”
15 At pagkatapos ng matiyagang paghihintay, natanggap ni Abraham ang mga ipinangako sa kanya.
16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng Dios na mas nakahihigit sa kanila para paniwalaan sila at wala ng pag-usapan pa.
17 Ganito rin ang ginawa ng Dios noon sa mga taong pinangakuan niya. Ipinakita niya sa kanila sa pamamagitan ng panunumpa na tutuparin niya ang pangako niya.
18 At ang dalawang bagay na ito – ang pangako niya at panunumpa – ay hindi mababago, dahil hindi magagawang magsinungaling ng Dios. Kaya tayong mga nagpakalinga sa kanya ay may matibay na pag-asang pinanghahawakan na gagawin niya ang ipinangako niya sa atin.
19 Ang pag-asang ito ay matibay tulad ng angkla, at ito ay nagbibigay kapanatagan sa buhay natin, dahil umaabot ito sa Pinakabanal na Lugar,
20 kung saan nauna nang pumasok si Jesus para sa atin. Siya ang punong pari natin magpakailanman, katulad ng pagkapari ni Melkizedek.