Hebreo 3 ASND

Mas Dakila si Jesus kaysa kay Moises

1 Kaya nga mga kapatid ko sa pananampalataya, at mga kapwa ko na tinawag ng Dios na makakasama sa langit, alalahanin nʼyo si Jesus. Siya ang apostol at punong pari ng ating pananampalataya.

2 Tapat siya sa Dios na nagsugo sa kanya, katulad ni Moises na naging tapat sa pamamahala ng pamilya ng Dios.

3 Ngunit itinuring ng Dios si Jesus na higit kaysa kay Moises, dahil kung ihahalintulad sa bahay, higit ang karangalan ng nagtayo kaysa sa bahay na itinayo.

4 Alam natin na may gumawa ng bawat bahay. Ngunit ang Dios ang gumawa ng lahat ng bagay.

5 Tapat si Moises sa pamamahala niya sa pamilya ng Dios bilang isang lingkod. At ang mga bagay na ginawa niya ay larawan ng mga bagay na mangyayari sa hinaharap.

6 Ngunit si Cristo ay tapat bilang Anak na namamahala sa pamilya ng Dios. At tayo ang pamilya ng Dios, kung patuloy tayong magiging tapat sa pag-asang ipinagmamalaki natin.

7 Kaya gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu:“Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios,

8 huwag ninyong patigasin ang puso nʼyo,tulad ng ginawa noon ng mga ninuno nʼyo.Naghimagsik sila laban sa Dios at siyaʼy sinubok nila roon sa ilang.

9 Sinabi ng Dios, ‘Sinubok nila ako sa kasamaan nila,kahit na nakita nila ang ginawa ko sa loob ng 40 taon.

10 Kaya galit na galit ako sa henerasyong ito at sinabi ko,“Laging lumalayo ang puso nila sa akin,at ayaw nilang sumunod sa mga itinuturo ko sa kanila.”

11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.’ ”

12 Kaya mga kapatid, mag-ingat kayo at baka maging masama ang puso nʼyo na siyang magpapahina ng pananampalataya nʼyo hanggang sa lumayo kayo sa Dios na buhay.

13 Magpaalalahanan kayo araw-araw habang may panahon pa, para walang sinuman sa inyo ang madaya ng kasalanan na nagpapatigas sa puso nʼyo.

14 Sapagkat kasama tayo ni Cristo kung mananatiling matatag ang pananampalataya natin sa kanya hanggang sa wakas.

15 Gaya nga ng nabanggit sa Kasulatan: “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso nʼyo tulad ng ginawa noon ng mga ninuno nʼyo nang naghimagsik sila laban sa Dios.”

16 Sino ba ang mga taong nakarinig sa tinig ng Dios at naghimagsik pa rin sa kabila nito? Hindi baʼt ang mga inilabas ni Moises sa Egipto?

17 At kanino ba nagalit ang Dios sa loob ng 40 taon? Hindi baʼt sa mga nagkasala at namatay sa ilang?

18 At sino ba ang isinumpa ng Dios na hindi makakamtan ang kapahingahan? Hindi baʼt ang mga ayaw sumunod sa kanya?

19 Kaya malinaw na hindi nila nakamtan ang kapahingahan dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Dios.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13