1 Magpatuloy kayo sa pag-iibigan bilang magkakapatid kay Cristo.
2 Huwag ninyong kalimutang patuluyin ang mga dayuhan sa tahanan ninyo. May mga taong gumawa niyan noon, at hindi nila alam na mga anghel na pala ang mga bisita nila.
3 Damayan ninyo ang mga kapatid na nasa bilangguan na parang nakabilanggo rin kayong kasama nila, at damayan din ninyo ang mga kapatid na pinagmamalupitan na para bang dumaranas din kayo ng ganoon.
4 Dapat ninyong pahalagahan ang pag-aasawa, at dapat ninyong iwasan ang pangangalunya. Sapagkat hahatulan ng Dios ang mga nangangalunya at ang mga imoral.
5 Iwasan nʼyo ang pagiging sakim sa salapi. Maging kontento kayo sa anumang nasa inyo, sapagkat sinabi ng Dios, “Hinding-hindi ko kayo iiwan o pababayaan man.”
6 Kaya buong pagtitiwalang masasabi natin,“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, kaya hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao laban sa akin?”
7 Alalahanin nʼyo ang mga dating namuno sa inyo na nagbahagi sa inyo ng salita ng Dios. Isipin nʼyo kung paano silang namuhay at namatay na may pananampalataya. Sila ang tularan ninyo.
8 Si Jesu-Cristo ay hindi nagbabago. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at magpakailanman.
9 Huwag kayong padadala sa kung anu-anong mga aral na iba sa natutunan ninyo. Mas mabuting patibayin natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng biyaya ng Dios kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin tungkol sa pagkain, na wala namang naidudulot sa mga sumusunod nito.
10 Tayong mga mananampalataya ay may altar, at walang karapatang makisalo rito ang mga pari ng mga Judio na naghahandog sa sambahan nila.
11 Sapagkat ang dugo ng mga hayop na handog sa paglilinis ay dinadala ng punong pari sa Pinakabanal na Lugar, pero ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng bayan.
12 Ganyan din ang nangyari kay Jesus, pinatay siya sa labas ng bayan para malinis niya ang mga tao sa mga kasalanan nila sa pamamagitan ng kanyang dugo.
13 Kaya lumapit tayo kay Jesus sa “labas ng bayan” at makibahagi sa mga tiniis niyang kahihiyan.
14 Sapagkat wala tayong tunay na bayan sa mundong ito, pero hinihintay natin ang bayan na paparating pa lang.
15 Kaya patuloy tayong maghandog ng papuri sa Dios sa pamamagitan ni Jesus. Itoʼy ang mga handog na nagmumula sa mga labi natin at nagpapahayag ng pagkilala natin sa kanya.
16 At huwag nating kalimutan ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa iba, dahil ang ganitong uri ng handog ay kalugod-lugod sa Dios.
17 Sundin nʼyo ang mga namumuno sa inyo at magpasakop kayo sa kanila, dahil sila ang nangangalaga sa espiritwal ninyong kalagayan. At alam nilang may pananagutan sila sa Dios sa pangangalaga nila sa inyo. Kung susundin nʼyo sila, magiging masaya sila sa pagtupad ng tungkulin nila. Ngunit kung hindi, malulungkot sila, at hindi ito makakatulong sa inyo.
18 Ipanalangin nʼyo kami, dahil sigurado kaming malinis ang mga konsensya namin. Sapagkat hinahangad naming mamuhay nang marangal sa lahat ng bagay.
19 At lalo ninyong ipanalangin na makabalik ako sa inyo sa lalong madaling panahon.
20 Idinadalangin ko rin kayo sa Dios na siyang pinagmumulan ng kapayapaan. Siya ang bumuhay sa ating Panginoong Jesus na ating Dakilang Pastol. At dahil sa kanyang dugo, pinagtibay niya ang walang hanggang kasunduan.
21 Nawaʼy ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng inyong kailangan para masunod ninyo ang kalooban niya. At sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, nawaʼy gawin niya sa atin ang kalugod-lugod sa kanyang paningin. Purihin natin siya magpakailanman. Amen.
22 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na pakinggan ninyong mabuti ang mga payo ko, dahil maikli lang ang sulat na ito.
23 Gusto ko ring malaman nʼyo na pinalaya na sa bilangguan ang kapatid nating si Timoteo. At kung makarating agad siya rito, isasama ko siya pagpunta ko riyan.
24 Ikumusta nʼyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng mga pinabanal ng Dios. Kinukumusta kayo ng mga kapatid nating taga-Italia.
25 Pagpalain nawa kayong lahat ng Dios.