34 hindi sila napaso sa nagliliyab na apoy, at nakaligtas sila sa kamatayan sa pamamagitan ng espada. Ang iba sa kanilaʼy mahihina, pero pinalakas sila ng Dios. At naging makapangyarihan sila sa digmaan at nilupig ang mga dayuhang hukbo.
35 May mga babae naman na dahil sa pananampalataya nila sa Dios ay muling nabuhay ang kanilang mga anak na namatay. Ang iba namang sumasampalataya sa Dios ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Tinanggihan nila ang alok na kalayaan kapalit ng pagtalikod nila sa kanilang pananampalataya dahil nalalaman nilang darating ang araw na bubuhayin sila ng Dios at matatanggap nila ang mas mabuting gantimpala.
36 Ang iba naman ay dumanas ng mga panlalait at panghahagupit dahil sa pananampalataya nila, at ang iba ay ikinadena at ibinilanggo.
37 Pinagbabato ang iba hanggang sa mamatay, ang iba naman ay nilagari hanggang mahati ang katawan nila, at mayroon ding pinatay sa espada. Ang ilan sa kanila ay nagdamit na lang ng balat ng tupa at kambing. Naranasan nilang maghikahos, usigin at apihin.
38 Nagtago sila sa mga ilang, mga kabundukan, mga kweba at mga lungga sa lupa. Hindi karapat-dapat ang mundong ito para sa kanila.
39 Kinalugdan silang lahat ng Dios dahil sa pananampalataya nila. Ngunit hindi nila natanggap sa panahon nila ang ipinangako ng Dios sa kanila.
40 Itoʼy dahil may mas mabuting plano ang Dios para sa atin, dahil nais niyang makasama nila tayo kapag tinupad na niya ang ipinangako niya sa kanila.