18 Ang paglapit nʼyo sa Dios ay hindi katulad ng paglapit ng mga Israelita noon. Lumapit sila sa isang bundok na nakikita nila – ang Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, may kadiliman at malakas na hangin.
19 Nakarinig din sila ng tunog ng trumpeta at boses ng nagsasalita. At nang marinig nila ang boses na iyon, nagmakaawa silang huwag na itong magsalita pa sa kanila
20 dahil hindi nila makayanan ang utos na ito: “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.”
21 Tunay na kakila-kilabot ang tanawing iyon, kaya maging si Moises ay nagsabi, “Nanginginig ako sa takot!”
22 Ngunit hindi ganito ang paglapit nʼyo sa Panginoon. Dahil ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion, ang lungsod ng Dios na buhay, ang Jerusalem na nasa langit na may libu-libong anghel na nagtitipon nang may kagalakan.
23 Lumapit kayo sa pagtitipon ng mga itinuturing na mga panganay ng Dios, na ang mga pangalan nila ay nakasulat sa langit. Lumapit kayo sa Dios na siyang hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong itinuring na matuwid ng Dios at ginawa na niyang ganap.
24 Lumapit kayo kay Jesus na siyang tagapamagitan natin sa Dios sa bagong kasunduan. Ang kasunduang itoʼy pinagtibay ng kanyang dugo na higit na mabuti kaysa sa dugo ni Abel na humihingi ng katarungan.