21 Tunay na kakila-kilabot ang tanawing iyon, kaya maging si Moises ay nagsabi, “Nanginginig ako sa takot!”
22 Ngunit hindi ganito ang paglapit nʼyo sa Panginoon. Dahil ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion, ang lungsod ng Dios na buhay, ang Jerusalem na nasa langit na may libu-libong anghel na nagtitipon nang may kagalakan.
23 Lumapit kayo sa pagtitipon ng mga itinuturing na mga panganay ng Dios, na ang mga pangalan nila ay nakasulat sa langit. Lumapit kayo sa Dios na siyang hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong itinuring na matuwid ng Dios at ginawa na niyang ganap.
24 Lumapit kayo kay Jesus na siyang tagapamagitan natin sa Dios sa bagong kasunduan. Ang kasunduang itoʼy pinagtibay ng kanyang dugo na higit na mabuti kaysa sa dugo ni Abel na humihingi ng katarungan.
25 Kaya mag-ingat kayo at huwag tanggihan ang Dios na nagsasalita sa atin. Ang mga tao noon na hindi nakinig sa mga propeta rito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa. Paano kaya tayo makakaligtas kung hindi natin pakikinggan ang nagsasalita mula sa langit?
26 Yumanig noon ang lupa nang magsalita ang Dios. At ngayon ay nangako siya, “Minsan ko pang yayanigin ang mundo, pati na rin ang langit.”
27 Ang katagang “minsan pa” ay nagpapahiwatig na aalisin ng Dios ang lahat ng nilikha niya na nayayanig, para manatili ang mga bagay na hindi nayayanig.