1 Hari 1 ASND

Ang mga Huling Araw ni Haring David

1 Matandang-matanda na si Haring David at kahit kumutan pa siya ng makapal ay giniginaw pa rin siya.

2 Kaya sinabi ng kanyang mga lingkod, “Mahal na Hari, payagan nʼyo po kaming maghanap ng isang dalagita na mag-aalaga sa inyo. Tatabihan po niya kayo para hindi kayo ginawin.”

3 Kaya naghanap sila ng magandang dalagita sa buong Israel, at nakita nila si Abishag na taga-Shunem, at dinala nila siya sa hari.

4 Talagang maganda si Abishag at naging tagapag-alaga siya ng hari. Pero hindi sumiping ang hari sa kanya.

Gusto ni Adonia na Maging Hari

5 Ngayon, si Adonia na anak ni David kay Hagit ay nagmamayabang na siya ang susunod na magiging hari. Kaya naghanda siya ng mga karwahe at mga kabayo at 50 tao na magsisilbing tagabantay na mauuna sa kanya.

6 Hindi siya kailanman pinakialaman ng kanyang ama na si David, at hindi sinaway sa kanyang mga ginagawa. Napakaguwapong lalaki ni Adonia at ipinanganak siyang kasunod ni Absalom.

7 Nakipag-usap siya kay Joab na anak ni Zeruya at sa paring si Abiatar tungkol sa balak niyang maging hari, at pumayag ang dalawa na tumulong sa kanya.

8 Ngunit hindi pumanig sa kanya ang paring si Zadok at ang propetang si Natan, pati si Benaya na anak ni Jehoyada, gayon din sina Simei at Rei at ang magigiting na bantay ni David.

9 Isang araw, pumunta si Adonia sa Bato ng Zohelet malapit sa En Rogel at naghandog siya roon ng mga tupa, mga baka, at mga pinatabang guya. Inimbita niya ang halos lahat ng kapatid niyang lalaki kay David at ang halos lahat ng pinuno ng Juda.

10 Pero hindi niya inimbita ang propetang si Natan, si Benaya, ang magigiting na bantay ng hari at si Solomon na kanyang kapatid.

11 Pumunta si Natan kay Batsheba na ina ni Solomon, at nagtanong, “Hindi mo ba alam na ang anak ni Hagit na si Adonia ay ginawang hari ang sarili at hindi ito alam ni Haring David?

12 Kung gusto mong maligtas ang buhay mo at ang buhay ng anak mong si Solomon, sundin mo ang payo ko.

13 Puntahan mo si Haring David at sabihin mo sa kanya, ‘Mahal na Hari, hindi po baʼt nangako kayo sa akin na ang anak nating anak na si Solomon ang papalit sa inyo bilang hari? Bakit si Adonia po ang naging hari?’

14 At habang nakikipag-usap ka sa hari, papasok ako at patutunayan ko ang iyong sinasabi.”

15 Kaya nagpunta si Batsheba sa kwarto ng hari. Matanda na talaga ang hari at si Abishag na taga-Shunem ang nag-aalaga sa kanya.

16 Yumukod si Batsheba at lumuhod sa hari bilang paggalang. Tinanong siya ng hari, “Ano ang kailangan mo?”

17 Sumagot si Batsheba, “Mahal na Hari, nangako po kayo sa akin sa pangalan ng Panginoon na inyong Dios, na ang anak nating si Solomon ang papalit sa inyo bilang hari.

18 Ngunit ipinalagay ni Adonia na siya na ang hari ngayon, at hindi mo ito alam.

19 Naghandog siya ng maraming torong baka, mga pinatabang guya at mga tupa. Inanyayahan niya ang lahat ng anak mong lalaki, maliban kay Solomon na iyong lingkod. Inanyayahan din niya ang paring si Abiatar at si Joab na kumander ng inyong mga sundalo.

20 Ngayon, Mahal na Hari, naghihintay po ang mga Israelita sa inyong pasya kung sino po ang papalit sa inyo bilang hari.

21 Kung hindi kayo magpapasya, ako at ang anak nating si Solomon ay ituturing nilang traydor kapag namatay kayo.”

22 Habang nakikipag-usap si Batsheba sa hari, dumating ang propetang si Natan.

23 Pumunta sa silid ng hari ang kanyang lingkod at sinabi na dumating si Natan at nais siyang makausap, kaya ipinatawag siya ng hari. Pagpasok ni Natan nagpatirapa siya sa hari bilang paggalang,

24 at sinabi, “Mahal na Hari, sinabi po ba ninyong si Adonia ang siyang papalit sa inyo bilang hari?

25 Ngayong araw na ito, naghandog siya ng maraming toro, pinatabang guya at mga tupa. At inimbita niya ang halos lahat ng inyong anak na lalaki, ang kumander ng iyong mga sundalo at ang paring si Abiatar. Ngayoʼy kumakain at nag-iinuman sila at nagsasabi, ‘Mabuhay si Haring Adonia!’

26 Pero ako na inyong lingkod ay hindi niya inimbita, pati na rin ang paring si Zadok, si Benaya na anak ni Jehoyada at si Solomon na inyong lingkod.

27 Ito po ba ang pasya ninyo, Mahal na Hari, na hindi nʼyo na ipinaalam sa amin kung sino ang papalit sa inyo bilang hari?”

Hinirang ni David si Solomon Bilang Hari

28 Sinabi ni Haring David, “Sabihan mo si Batsheba na pumunta rito.” Kaya pumunta si Batsheba sa hari.

29 Pagkatapos, sumumpa si Haring David, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan,

30 na tutuparin ko ngayon ang pangako ko sa iyo sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na si Solomon na ating anak ang siyang papalit sa akin bilang hari.”

31 Yumukod agad si Batsheba bilang paggalang, at sinabi, “Mabuhay kayo magpakailanman, Mahal na Haring David!”

32 Sinabi ni Haring David, “Papuntahin dito ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaya na anak ni Jehoyada.” Kaya pumunta sila sa hari.

33 At sinabi ng hari sa kanila, “Pasakayin mo ang anak kong si Solomon sa aking mola at dalhin ninyo siya sa Gihon kasama ang aking mga pinuno.

34 Pagdating ninyo doon, kayo Zadok at Natan, pahiran ninyo ng langis ang ulo ni Solomon para ipakita na siya ang pinili kong maging hari ng Israel. Pagkatapos, patunugin nʼyo ang trumpeta at isigaw, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’

35 Pagkatapos, samahan nʼyo siya pabalik dito, uupo siya sa aking trono at papalit sa akin bilang hari. Siya ang pinili ko na mamamahala sa buong Israel at Juda.”

36 Sumagot si Benaya na anak ni Jehoyada, “Gagawin po namin iyan! Mahal na Hari, nawaʼy ang Panginoon na inyong Dios ang magpatunay nito.

37 Kung paano kayo sinamahan ng Panginoon, samahan din sana niya si Solomon at gawin niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyong paghahari.”

38 Kaya lumakad na ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaya na anak ni Jehoyada, at ang mga personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at dinala sa Gihon.

39 Pagdating nila roon, kinuha ni Zadok sa banal na tolda ang langis na nasa loob ng sisidlang sungay, at pinahiran niya si Solomon sa ulo. Pinatunog nila ang trumpeta at sumigaw silang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!”

40 Inihatid si Haring Solomon ng mga tao pauwi sa Jerusalem na nagkakasayahan at tumutugtog ng mga plauta. Nayanig ang lupa sa ingay nila.

41 Narinig ito ni Adonia at ng kanyang mga bisita nang malapit na silang matapos sa kanilang handaan. Nang marinig ni Joab ang tunog ng trumpeta, nagtanong siya, “Ano ba ang nangyayari, bakit masyadong maingay sa lungsod?”

42 Habang nagsasalita siya, dumating si Jonatan na anak ng paring si Abiatar. Sinabi ni Adonia, “Pumasok ka dahil mabuti kang tao, at tiyak kong may dala kang magandang balita.”

43 Sumagot si Jonatan, “Hindi ito magandang balita, dahil ginawang hari ni Haring David si Solomon.

44 Pinapunta niya ito sa Gihon kasama ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaya na anak ni Jehoyada at ang kanyang mga personal na tagapagbantay na mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay pa nila si Solomon sa mola ng hari.

45 Pagdating nila sa Gihon, pinahiran siya ng langis nina Zadok at Natan para ipakitang siya ang piniling hari. Kababalik lang nila, kaya nga nagkakasayahan ang mga tao sa lungsod. Iyan ang mga ingay na inyong naririnig.

46 At ngayon, si Solomon na ang nakaupo sa trono bilang hari.

47 Pumunta rin kay Haring David ang mga pinuno niya para parangalan siya. Sinabi nila, ‘Gawin sanang mas tanyag ng inyong Dios si Solomon kaysa sa inyo, at gawin sana niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyo.’ Yumukod agad si David sa kanyang higaan para sumamba sa Panginoon,

48 at sinabi, ‘Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, niloob niya na makita ko sa araw na ito ang papalit sa akin bilang hari.’ ”

49 Nang marinig ito ng mga bisita ni Adonia, tumayo silang takot na takot, at isa-isang umalis.

50 Natakot din si Adonia kay Solomon, kaya pumunta siya sa tolda na sinasambahan at humawak sa parang mga sungay na bahagi ng altar.

51 May nagsabi kay Solomon, “Natakot sa inyo si Adonia, at ngayoʼy nakahawak siya sa parang mga sungay na bahagi ng altar. Hinihiling niya na sumumpa kayong hindi nʼyo siya papatayin.”

52 Sinabi ni Solomon, “Kung mananatili siyang tapat sa akin, hindi siya mapapahamak. Pero kung magtatraydor siya, mamamatay siya.”

53 Pagkatapos, ipinakuha ni Haring Solomon si Adonia roon sa altar, at pagdating ni Adonia, yumukod siya kay Haring Solomon bilang paggalang. Sinabi ni Solomon sa kanya, “Umuwi ka na.”

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22