1 Hari 12 ASND

Nagrebelde ang Israel kay Rehoboam

1 Pumunta si Rehoboam sa Shekem, kung saan nagtipon ang lahat ng mga Israelita para hirangin siya na hari.

2 Nang mabalitaan ito ni Jeroboam na anak ni Nebat, bumalik siya sa Israel. (Sapagkat nang panahong iyon, doon siya nakatira sa Egipto, kung saan tumakas siya kay Haring Solomon.)

3 Ipinatawag ng buong mamamayan ng Israel si Jeroboam at pumunta sila kay Rehoboam at sinabi,

4 “Mabigat ang mga ipinapatupad ng inyong ama sa amin. Pero kung pagagaanin nʼyo ito, paglilingkuran namin kayo.”

5 Sumagot si Rehoboam, “Bigyan nʼyo muna ako ng tatlong araw para pag-isipan ito, pagkatapos, bumalik kayo sa akin.” Kaya umuwi ang mga tao.

6 Nakipagkita agad si Haring Rehoboam sa mga tagapamahala na naglilingkod sa ama niyang si Solomon nang nabubuhay pa ito. Nagtanong si Rehoboam sa kanila, “Ano ba ang maipapayo ninyo na isasagot ko sa hinihiling ng mga taong iyon?”

7 Sumagot sila, “Kung ipapakita mo ngayon ang iyong kabutihan sa kanila, at ibibigay ang kahilingan nila, maglilingkod sila sa iyo magpakailanman.”

8 Pero hindi sinunod ni Rehoboam ang kanilang payo, sa halip nakipagkita siya sa mga kababata niya na naglilingkod sa kanya.

9 Nagtanong siya sa kanila, “Ano ba ang maipapayo nʼyo na isasagot ko sa kahilingan ng mga taong iyon? Humihiling sila sa akin na pagaanin ko ang mabigat na mga ipinapatupad ng aking ama sa kanila.”

10 Sumagot ang mga kababata ni Rehoboam, “Ito ang isagot mo sa mga taong iyon na humihiling sa iyo: ‘Ang kalingkingan ko ay mas malaki pa sa baywang ng aking ama.

11 Ang ibig kong sabihin, mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo kaysa sa ipinapatupad ng aking ama. Kung hinampas kayo ng aking ama ng latigo, hahampasin ko kayo ng latigong may mga matalim na bakal.’ ”

12 Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao kay Haring Rehoboam, ayon sa sinabi ng hari sa kanila.

13 Pero hindi tinupad ni Rehoboam ang ipinayo ng mga tagapamahala. Sa halip, pinagsalitaan niya ng masasakit ang mga tao

14 ayon sa ipinayo ng mga kababata niya. Sinabi niya sa kanila, “Mabigat ang ipinapatupad ng aking ama sa inyo, pero mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo. Kung pinalo kayo ng aking ama ng latigo, papaluin ko kayo ng latigong may matalim na mga bakal.”

15 Hindi nga nakinig ang hari sa mga tao, niloob ito ng Dios para matupad ang kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahia na taga-Shilo.

16 Nang malaman ng lahat ng Israelita na hindi sila pinakinggan ng hari, sinabi nila sa hari, “Wala kaming pakialam sa iyo na mula sa lahi ni David! Bahala ka na sa iyong kaharian! Halikayo mga Israelita, umuwi na tayo!” At umuwi nga ang mga Israelita.

17 Ang mga Israelita lang na nakatira sa mga bayan ng Juda ang napamahalaan ni Rehoboam.

18 Ngayon, pinapunta ni Haring Rehoboam sa mga Israelita si Adoniram, ang tagapamahala ng mga tao na pinagtatrabaho ng sapilitan, para makipag-ayos sa kanila. Pero binato siya ng mga Israelita hanggang sa mamatay. Nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas papunta sa Jerusalem.

19 Hanggang ngayon, nagrerebelde ang mga Israelita sa mga angkan ni David.

20 Nang mabalitaan ng lahat ng mga Israelita na nakauwi na si Jeroboam, ipinatawag nila siya sa isang pagtitipon at ginawa nila siyang hari sa buong Israel. Ang lahi lang ni Juda ang nanatiling tapat sa paghahari ng mga angkan ni David.

Binalaan ni Shemaya si Rehoboam

21 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel at para bawiin ang kaharian niya.

22 Pero sinabi ng Dios kay Shemaya na kanyang lingkod,

23 “Sabihin mo kay Haring Rehoboam ng Juda, na anak ni Solomon, at sa lahat ng sambayanan ng Juda at Benjamin at sa iba pang taong naroon

24 na ito ang sinasabi ko: ‘Huwag kayong makipaglaban sa mga kapwa ninyo Israelita. Umuwi kayo, dahil kalooban ko ang lahat ng ito.’ ” Sumunod nga sila sa Panginoon at umuwi ayon sa inutos ng Panginoon.

Nagpagawa si Jeroboam ng mga Gintong Baka

25 Pinalibutan ni Jeroboam ng pader ang lungsod ng Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya tumira. Kinalaunan, pumunta siya sa Penuel at ipinaayos niya ito.

26 Sinabi niya sa kanyang sarili, “Baka maibalik ang kaharian sa angkan ni David

27 kung magpapatuloy ang mga tao sa pagpunta sa Jerusalem para maghandog doon sa templo ng Panginoon. Maaaring mahulog muli ang kanilang loob kay Haring Rehoboam ng Juda. At kung mangyayari iyon, papatayin nila ako at babalik sila kay Rehoboam.”

28 Kaya pagkatapos na payuhan si Jeroboam tungkol dito, nagpagawa siya ng dalawang gintong baka. Sinabi niya sa mga tao, “Mga Israelita, mahirap na para sa inyo na makapunta pa sa Jerusalem. Narito ang inyong mga dios na naglabas sa inyo sa Egipto.”

29 Ang isang gintong baka ay ipinalagay niya sa Betel at ang isa naman ay sa Dan.

30 Ang ginawang ito ni Jeroboam ay naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita. Pumupunta pa sila kahit sa Dan para sumamba roon.

31 Nagpagawa pa si Jeroboam ng mga sambahan sa matataas na lugar at pumili siya ng mga tao na maglilingkod bilang pari, kahit hindi sila mula sa pamilya ng mga Levita.

32 Nagpasimula rin siya ng pista na ipinagdiriwang tuwing ika-15 araw ng ikawalong buwan, tulad ng pista sa Juda. Nang araw na iyon, nag-alay siya sa Betel ng mga handog sa altar para sa mga gintong baka na ipinagawa niya. At doon siya pumili ng mga pari na itinalaga niyang maglingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar na ipinagawa niya.

33 Sa araw na iyon na naghandog siya sa altar na kanyang ipinagawa sa Betel, sinimulan niya ang pista para sa mga Israelita. Siya ang pumili ng petsang ika-15 araw ng ikawalong buwan para sa ganitong pista.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22